Bukod sa batong pang-construction, nabistong ibinebenta rin ang batong droga ng isang grupo sa isang buhanginan sa Lumban, Laguna. Ang shabu at marijuana na nasabat, nasa mahigit P10 milyon ang halaga.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa video ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PDEG) na aakalaing mga buhangin at bato lamang ang pinagkakaabalahan ng ilang kalalakihan, ngunit panakip-butas lang ito sa kanilang tunay na pinagkakakitaan.
Dinakip ang isang 60-anyos na suspek na bodegero umano, na pinuno ng isang drug group, ayon sa mga awtoridad.
Ginagamit nila bilang “cover” ang buhanginan para sa kanilang mga parokyano.
Isinasagawa nila ang kanilang mga transaksiyon sa pamamagitan ng mga messaging app bago papapasukin sa compound at mag-aabutan ng mga item.
Modus umano ng grupo na palabasing nagbebenta sila ng buhangin at bato sa Lumban, ngunit nakakubling ipinapasa ang bato o droga.
Ang nadakip na suspek ang siyang nagsu-supply sa mga tulak sa Lumban at kalapit na bayan gamit ang messaging apps.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang suspek, na nakabilanggo na ngayon sa tanggapan ng PDEG. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment