Iniutos ng komite ng House ang paglipat kay Zuleika Lopez, chief of staff ng Office of the Vice President, mula sa detention facility nito patungong Correctional Institute for Women.
Ito ay ayon sa isang kopya ng order na naka-address kay House Sergeant-at-Arms Napoleon Taas at pirmado ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Manila Representative Joel Chua na ibinahagi ng OVP sa media.
Binasa ng House officials ang transfer order una sa harap ni Lopez at pangalawa ng pumasok si Vice President Sara Duterte sa detention room, ayon sa ulat ni Bea Pinlac ng GMA Integrated News.
Sinabi rin daw ni Taas kay Chua sa isang sulat na ang patuloy na presensya ni Duterte sa Batasan complex ay nakasagabal sa normal na operasyon ng 19th Congress ”to the point of putting in jeopardy the safety of House members and the security of our facilities.”
Sa isang press conference naman via Zoom, inalmahan ni Lopez ang paglipat sa kanya sa CIW sa gitna ng gabi.
Kuwento niya, siyam na tao, kasama ang mga pulis, ang dumating sa detention room para i-serve ang transfer order, ngunit hindi siya pumayag.
”This is a threat to my life,” aniya.
Tinawagan daw niya si Duterte para ito ang magsilbing abogado niya.
Inalmahan din ni Duterte ang paglipat, at sinabing hindi marunong ang namumuno ng bansa.
Matapos nito ay itinakbo sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw si Lopez nang siya ay magsuka nang magsuka at mag-collapse, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto ng GMA Integrated News base sa panayam kay Duterte.
Inilipat din mula VMMC pagkatapos si Lopez sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos ang komosyon. Hinarang kasi ng mga pulis ang ambulansiya kung saan sakay si Lopez na patungo na sa SLMC.
Iniutos ng House ang pagdetine kay Lopez matapos siyang ma-cite in contempt dahil umano sa kanyang “undue interference” sa pag-imbestiga ng House committee sa confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd) noong kalihim pa nito si Duterte.
Ang detention order ay hanggang Nov. 25, ang petsa ng susunod na hearing ng komite tungkol sa confidential funds ng OVP at DepEd.
Sa hearing ng komite nitong linggo, inamin ni Lopez na siya ang pumirma sa sulat na ipinadala sa Commission on Audit, na nagre-request na huwag itong sumunod sa House subpoena tungkol sa audit reports sa mga fund releases.
Noong Miyerkoles, sinabi rin ni Lopez sa House hearing na wala siyang alam kung paano ginagamit ng OVP ang confidential funds nito. Ang papel lang daw niya sa OVP ay pangasiwaan ang institutionalization at implementation ng mga socioeconomic projects nito. —KG, GMA Integrated News
Be the first to comment