Tinalo ng Gilas Pilipinas sa unang pagkakataon ang koponan ng New Zealand, 93-89, sa kanilang salpukan sa FIBA Asia Cup Qualifiers nitong Huwebes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Dahil sa panalo, naputol ang apat na talo na nalasap ng Gilas laban sa Tall Backs sa FIBA tournament sa ilalim ng pamumuno ngayon ni coach Tim Cone.
Mas lumaki na rin ang pag-asa ng Gilas na makakuha ng tiket para sa FIBA Asia Cup na gaganapin sa Saudi Arabia sa susunod na taon matapos manguna sa Group B standings na 3-0.
Naging dikit ang laban sa first half, at nagtabla sa 54, bago nagpakawala ng 18-6 run ang Gilas, upang makakuha ng 72-60 na kalamangan sa pagtatapos ng ikatlong kuwarter.
Naging matatag din ang Gilas na protektahan ang kanilang lamang nang magtangkang umariba ang Kiwis, pero tuluyang nanlamig nang maipasok ni Justin Brownlee ng dalawang free throws.
Pinangunahan nina Brownlee at Kai Sotto ang Gilas laban sa No. 22 sa mundo na New Zealand, na parehong nagtala ng double-double performance.
Nagtala si Brownlee ng game-high na 26 points na may kasamang 11 rebounds, apat na assists, dalawang steals, at dalawang blocks.
Kumamada naman si Sotto ng 19 points, 10 rebounds, at pitong assists, may kasamang dalawang steals at dalawang blocks.
Nag-ambag din sina Scottie Thompson ng 12 puntos, at Dwight Ramos na may 11 puntos.
Bumagsak ang New Zealand sa kartadang 2-1, at susunod na makakalaban sa kaniyang bansa ang Chinese Taipei sa Lunes.
Kakaharapin naman ng Gilas sa Linggo ang Hong Kong. — mula sa ulat ni Nikole Javier/FRJ, GMA Integrated
Be the first to comment