Kakanin vendor na sinuong ang bagyo para kumita nang marangal, nakatanggap ng mga tulong

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Sa gitna nang pananalasa ng nagdaang bagyong “Kristine” na marami ang piniling manatili sa kanilang mga bahay para maging ligtas, isang tindero ng kakainin ang pinili namang suongin ang baha at malakas na hangin at ulan para maglako ng kaniyang paninda upang kumita para sa kaniyang pamilya.

Ang nakaaantig na tagpo nang lumusong ang tindero sa baha na hanggang hita niya habang bitbit ang kaniyang paninda at bumubuhos ang malakas na ulan, nakuhanan ng netizen ng video at naging viral sa social media.

Natuklasan ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” na ang tindero sa video ay si Randy, na nakatira sa Calamba, Laguna.
Nang tanungin kung bakit pa rin siya nagtinda kahit malakas ang bagyo, sabi ni Randy, “Ang nasa isip ko, walang makakain ‘yung pamilya po. Pinilit ko talagang magtinda.”

Ayon kay Randy, marami umano ang bumibili sa kaniya sa ganoong panahon kaya nagpasya pa rin siyang magtinda.

Ang asawa niya na si Jovimee, sinabihan daw si Randy na huwag na itong umalis ng bahay pero pursigido umano ang mister na magtinda.

Sa lakas ng hangin ni “Kristine,” halos liparin na ang bitbit ni Randy na lalagyan ng kakanin. Kaya naman napilitan na siyang kumapit sa bakal na bakod.

Inalis na rin niya ang suot niyang tsinelas at napilitang magkalakad sa baha nang nakayapak.

Habang nasa labas si Randy, labis naman ang pag-aalala ni Jovimee.

“Kasi hindi talaga siya nag-update maghapon sa akin. Baka mamaya may magliparang mga yero,” saad ni Jovimee.

Naubos naman ang paninda ni Randy nang araw na iyon pero lalo pang lumakas ang bagyo nang papauwi na siya, at noon na siya nakaramdam ng kaba.

“‘Yun talaga malakas! Kinabahan ako. Buti nakahawak ako dun sa may gutter kaya paghawak ko, napatigil ako,” kuwento niya.

Dahil baha, hindi na nakikita ni Randy ang dadaanan at nahulog siya sa kanal na walang takip sa Barangay Halang sa Calamba.

“Hindi ko naman alam na may kanal doon na nabuksan ‘yung takip. Talagang nalaglag akong ganun!” ani Randy.

“Baka masuot pa ako sa ilalim. Kaya sa takot ko, bigla akong umahon. Dire-diretso lang ako ng paglakad ko,” dagdag niya. “Ang nasa isip ko lang eh makauwi at ang iniwanan ko ay walang makakain. E lalo na’t bagyo. Natatakot ako baka may mangyari sa pamilya ko.”

Nang makauwi na sa bahay, doon lang napanatag ang loob ni Jovimee.

Buhay tindero

Sa karaniwang araw, 5:00 am umaalis ng bahay si Randy para maglako ng kaniyang mga paninda na puto, sapin-sapin, at kutsinta. Bumibiyahe siya patungo sa Los Banos, Laguna, para doon maglako.

Sa isang araw, umaabot sa P500 hanggang P600 ang kaniyang kinikita na inuuwi niya sa kaniyang pamilya.

“Pang-ulam. S’yempre kuryente, tubig, baon. Hindi sapat ho ‘yun kasi biglang may gagastusin sa school,” ani Randy, na magiging apat na ang anak dahil buntis ngayon si Jovimee .

“Hindi ko iniisip ‘yung pagod. Iniisip ko, ‘yung mapagtapos ko ‘yung mga anak ko,” sabi ng padre de pamilya. “Hangga’t kaya kong kumayod, gagawin ko kasi ayokong gagaya sila sa akin, wala na.”

Lumaki sa Pangasinan si Randy pero lumipat siya sa Calamba nang malaman niya na ampon lang siya at pinapaniwalaan na taga-Laguna ang tunay niyang ina na nais niyang makita.

“Nung umalis daw ‘yung babae, wala daw binigay na pangalan. Basta ka na lang binigay na parang tinapay,” saad ni Randy.

Ayon kay Tatay Andoy na nagpalaki kay Randy, “Para sa akin talaga, tunay na anak ko na siya.”

Sa kabila ng paninirahan ni Randy sa Laguna nang maging 17-anyos siya, wala siyang ibang impormasyon na nakuha tungkol sa kaniyang tunay na ina.

Mga tulong

Mula nang mag-viral ang video ni Randy habang nagtitinda sa gitna ng bagyo, nakatanggap siya ng mga tulong gaya ng mga pagkain.

Kaya nagpapasalamat si Randy sa kumuha ng video niya na si Shamillae, na kaniyang nakilala na rin at nagbigay din ng kaunting tulong sa kaniya.

Maging ang barangay at lokal na pamahalaan ng Calamba, nagbigay din ng tulong sa pamilya ni Randy gaya ng mga bigas, groceries, at iba, pati na scholarship sa kanilang anak.

Bukod sa mga natanggap na tulong, umaasa pa rin si Randy na maging daan ang viral video para makilala ang kaniyang ina.

“Sana may tutulong sa akin na hanapin ko ‘yung tunay kong magulang. Gusto ko rin din makakita para marami na akong tanong sa kanya kung bakit niya ginawa,” sabi ni Randy.– FRJ, GMA Integrated News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*