Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Biyernes, mapanonood sa surveillance video ng National Bureau of Investigation – North ang pag-inject ng suspek ng IV sa isang undercover sa isang beauty clinic.
Pagkatanggap niya sa bayad na pera, dito na dinakip ang suspek dahil sa pagsasagawa umano ng ilegal na gawain.
Ayon kay Atty. Eric Nuqui, hepe ng NBI Cavite North, kabilang sa aesthetic procedures na isinasagawa ng clinic ng suspek ang glutathione intravenous drip at mesolipo kahit na hindi siya awtorisado at lisensiyado bilang doktor o nurse.
Ayon sa isang complainant, nagpapakilalang espesyalista ang suspek kahit hindi ito tunay na espesyalista.
“Ang in-offer niya po sa akin, puwede akong pumayat, ‘yung mesolipo sa mukha, sa pisgni, sa baba, sa braso, sa hita tsaka sa tiyan. Tsaka gluta drip. Hindi niya po makuha ‘yung ugat ko rito kaya po tinusok niya, sumirit po ‘yung dugo. Nanakit po ‘yung ulo ko, ‘yung batok ko, tapos nagkaroon po ako ng chills,” sabi ng complainant.
“Ang katulad kong nanay na gustong bumalik-alindog, gusto lang naman namin ng serbisyong makatarungan naman at legal na paraan, tapos makatatagpo kami ng ganiyang mga manloloko,” dagdag ng complainant.
Hindi na itinanggi ng suspek ang paratang.
“Sa mga tao po na nagtiwala po sa akin na iniisip nila na isa akong registered nurse, actually isa lang po akong IVT training, humihingi po ako sa inyo ng paumanhin,” sabi ng suspek na si “Lina,” hindi niya tunay na pangalan.
Na-inquest na ang suspek sa reklamong illegal practice of medicine samantalang sinamsam ang mga equipment at gamot sa kaniyang klinika.
Batay sa ipinalabas na anunsyo ng Food and Drug Administration, peligroso ang basta-bastang pag-administer ng gluta drip na maaaring lumikha ng pinsala sa katawan ng magpapagawa nito.
Nauna nang sinabi ng Department of Health na wala pang naililimbag na pag-aaral na nagsusuri sa epekto ng injectable na gluthathione sa pagpapaputi.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News
Be the first to comment