Nakawala mula sa kulungan ang nasa 200 unggoy sa Lopburi, Thailand at naghasik ng kaguluhan sa lugar. Ang isang police station, mistulang sinalakay pa nila kaya napilitang “magkulong” sa kanilang tanggapan ang mga pulis.
Sa ulat ng GTV State of the Nation nitong Lunes, sinabing gumapang mula sa dingding ng kanilang kulungan ang mga unggoy hanggang sa nakalabas ng kalsada at nanggulo sa bayan.
Ang isang police station sa lugar, pinalibutan ng mga unggoy kaya napilitan ang mga pulis na magsara ng kanilang mga pinto at bintana para hindi makapasok ang mga hayop.
Pinapangambahan kasi na baka manira ng mga gamit at mahahalagang dokumento ang mga unggoy kapag nakapasok.
Para mahuli at maitaboy ang ibang mga unggoy, sinabing inakit ang mga ito ng mga pulis gamit ang pagkain.
Ayon sa isang ulat ng Agence France-Presse, matagal nang nakakaranas ng paglaki ng populasyon at pagiging agresibo ng mga unggoy kaya nagtayo ang mga awtoridad ng mga kulungan upang paglagyan ng mga hayop.
May espesyal na puwang sa puso ng mga Thai ang mga unggoy dahil na rin sa kanilang tradisyon at paniniwala.– FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment