OFW na inabuso at pinagbantaan ng anak ng kaniyang amo sa Saudi Arabia, nagpasaklolo

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) na dalawang beses umanong inabuso ng anak ng kaniyang amo ang nagpasaklolo, at kaagad namang inaksyunan ng pamahalaan. Ang biktima, naunang nagsumbong sa kaniyang agency pero wala raw nangyari.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ng OFW na itinago sa pangalang “Rose,” na nitong nakaraang Mayo nangyari ang unang pang-aabuso sa kaniya ng anak ng kaniyang mga amo.

Nangyari raw ang krimen habang nasa business trip ang kaniyang mga amo.

“Inubos niya yung lakas ko, kasi lumaban ako. Lumaban ako sa kanya. Dun niya ginawa yung mga bagay na gusto niyang gawin sa akin. Tapos ang mali ko po dun, one month ko po kasing nilihim kasi tinakot ako ng anak niya,” umiiyak na pahayag ng biktima.

Hindi rin kaagad siya nagsumbong sa kaniyang amo dahil sa banta ng anak na suspek na puwede siyang mamatay at makulong sa Saudi.

Nang magsumbong umano siya sa kaniyang agency sa Pilipinas para magpasaklolo, sinabihan daw si Rose na maghintay ng dalawa hanggang tatlong buwan.

Kasunod nito ay nagsumbong na rin siya sa kaniyang amo tungkol sa ginawa ng anak nito sa kaniya.

Pero sa halip na tulungan siya, kinuha umano ng mga amo ang kaniyang passport at iqama.

At nitong nakaraang Hulyo, naulit muli ang pang-aabuso sa kaniya ng anak ng amo.

Dahil walang tulong na dumating mula sa kaniyang agency, humingi na ng tulong si Rose sa GMA Integrated News.

“Hindi ko na po kaya kasi ang dami ko na pong naiisip na nandito ako, sana po ma-rescue na po ako dito,” pakiusap ng OFW.

Kaagad na nakipag-ugnayan ang GMA Integrated News sa Department of Migrant Workers para ilapit ang kaso ni Rose.

Mabilis na umaksyon ang DMW at nakuha na si Rose mula sa kanilang mga amo sa Saudi at dinala sa himpilan ng pulisya doon.

“Maraming salamat po sa tulong niyo sir, kasi nakuha na po ako dun sa bahay ng employer ko. Nandito na po ako sa police station, alam ko pong safe na po ako dito. Sana po maging successful po lahat ito. Thank you so much po,” pahayag ni Rose.

Nangako naman si DMW Secretary Hans Leo Cacdac na bibigyan ng hustisya si Rose tungkol sa kaniyang sinapit. — FRJ, GMA Integrated News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*