Nauwi sa komosyon ang paglilipat lang sana ng ospital kay Atty. Zuleika Lopez, ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte, nitong Sabado ng umaga.
‘Yan ay matapos harangan ng mga pulis ang ambulansiya ni Lopez na papunta sana sa lilipatang ospital, bago mag-5:30 ng umaga.
Isasakay sana kasi si Lopez sa ambulansiya ng Philippine National Police (PNP).
Kita sa video ang isang pulis na muntik pang masaraduhan ng pinto ng ambulansiya si Duterte na ikinagalit ng kanyang mga tagasuporta.
Dahil sa nangyari, kinalampag ng mga tagasuporta ni Duterte ang sasakyan ng PNP hanggang sa makadaan ang ambulansiya kung nasaan si Lopez at ang bise presidente.
Pero agad din silang sinundan ng napakaraming pulis hanggang makarating sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City mag-a-alas singko kwarenta ng umaga.
Sa panayam kay Duterte, kinuwestiyon niya ang mga pulis na gumawa ng sariling desisyon.
Sa ibang ospital daw kasi isinugod si Lopez kahit mayroon namang ospital na pagdadalhan sa kanya.
Kaugnay nito, isinisisi ni Duterte ang lahat ng nangyari kay Speaker Martin Romualdez.
Aniya, dapat sagutin ni Romualdez ang lahat ng gastos sa oras na may mangyaring masama kay Lopez.
Humingi na ng statement ang GMA News Online sa opisina ni Romualdez at sa PNP tungkol sa mga pahayag ni Duterte ngunit wala pa silang komento.
Idinetine ng Kongreso si Lopez nitong Miyerkoles sa detention facility ng House of Representatives matapos siyang ma-cite in contempt dahil sa “undue interference” sa pag-iimbestiga ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa mga confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd). Dating kalihim ng DepEd si Duterte.
Ililipat na sana si Lopez sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City ngunit nagsuka ito at nawalan ng malay.
Imbes na agad isugod sa ospital, ilang oras ding hindi pinapasok ang ambulansiya na magsusundo sana kay Lopez.
Kaugnay nito, plano ng OVP na magsampa ng reklamo laban sa Kongreso dahil sa wala umanong tumulong sa kanila at sa pagnakaw umano sa cellphone ng dalawa nilang tauhan.
Ayon kay Duterte, dahil sa nangyari, wala na silang planong makipag-ugnayan pa sa House Quad Committee at hindi rin daw sila magpapakulong sa mga ito. —KG, GMA Integrated News
Be the first to comment