Nitong nakaraang mga linggo, madami umano ang dinadala sa mga ospital, at isa sa mga karaniwang sakit ng mga pasyente ay pneumonia o pulmonya. Ano nga ba ang sakit na ito at totoo bang nakukuha ito kapag natuyuan ng pawis ang tao?
Sa isang episode ng programang “Unang Hirit,” ipinaliwanag ni Dr. Ed Marvin Hilario, MD, Pulmonary Medicine Specialist, na ang pneumonia ay isang klase ng sakit sa baga na dulot ng impeksiyon.
Ngunit hindi umano ito katulad ng ibang upper respiratory tract infection na sinisipon at inuubo ang pasyente.
“Kaibahan niya sa regular na ubo, ang pasyente ay nakararamdam na ng mas malalang sakit. Nahihirapan silang huminga, naglalagnat, at madalas inuubo at marami nang plema,” paliwanag ni Hilario.
May epekto ba ang pabago-bagong panahon sa pagdami ng nagkakaroon ng pneumonia?
Ayon kay Hilario, karaniwang humihina ang immune system ng tao kapag medyo maulan pero hindi raw ganoon kalaki ang epekto nito pagdating sa pagkakaroon ng pneumonia.
“Ang nangyayari lang po kapag malamig ang panahon humihina po talaga ang katawan natin. Karaniwang nangyayari kapag tag-ulan, nagkukumpulan ang mga tao, nandoon sila sa bahay. Hindi lumalabas, sinasara ang bintana, so ang ventilation ng kuwarto nawawala na. Mas mabilis na nagkakaha-hawahan ang mga tao [kung mayroon tao na maysakit sa bahay],” paliwanag niya.
Nilinaw ni Hilario na communicable disease ang pneumonia o makukuha mula sa ibang tao.
Nang tanungin kung dapat bang magpatingin sa duktor ang isang tao na inuubo dahil baka may pneumonia na siya, payo ni Hilario, obserbahan muna ang ubo kung mild lang.
“Ngunit kung may kasama nang hirap sa paghinga at nilalagnat at hindi nawawala ang ubo, dapat nang magpatingin sa duktor,” payo ng doktor.
Kung gumagamit ng stethoscope ang doktor para pakinggan ang paghinga nito upang alamin kung mayroong pneumonia, sinabi ni Hilario na maaaring gumamit sa bahay ng oxymeter para masukat ng pasyente ang kaniyang oxygen level at heart rate upang makapagdesisyon kung dapat na siyang magpunta sa ospital.
Ayon kay Hilario, 94 pataas ang normal oxygen level ng tao. Kaya kapag bumaba ang naturang bilang ay dapat nang magtungo sa ospital ang pasyente para masuri.
Samantala, 60 to 100 naman ang normal sa heart rate ng tao. Pero mas nagiging mabilis umano ang heart rate ng taong may pneumonia.
Papaano nga ba makakaiwas sa pneumonia at posible nga bang magkaroon ng pneumonia ang tao kapag natuyuan ng pawis? Panoorin ang buong talakayan sa video. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment