Anim na residente ang nasawi matapos tupukin ng apoy ang isang residential building sa Sampaloc, Maynila madaling araw nitong Sabado.
Kabilang sa mga nasawi ang 82 years old na isa rin sa may-ari ng gusali, ang mag-amang itinuturing na raw nitong ampon, ang mag-anak na Ricardo, Laila at Jillian Apple Lopez.
Ayon kay Adelaida Pili, isa pa sa may-ari ng gusali, nakarinig daw siya ng paghingi ng saklolo hanggang sa makita niyang may sunog na pala sa gusali.
“Pagbaba namin mainit na yung daanan, may mga pumuputok na,” kuwento ni Pili.
Ayon kay Fire Sr. Insp. Cesar Babante, Manila Fire District Station 5 Commander, pahirapan ang pagpasok sa lugar dahil sa makipot na daan pero nailatag naman daw nila agad ang mga hose ng tubig.
Kinailangan din aniyang umakyat sa bubong ang mga bumbero para ma-suppress ang apoy.
“Kailangan po akyatin para ma-suppress kasi ito lang po yung entrance, exit nila papunta sa loob,” ayon kay Babante.
Kuwento ni Pili, 1970s pa lang daw nakatira na sila sa lugar at titulado ang lupang kinatitirikan ng kanilang gusali, pero nang magtayo ng iba’t ibang istruktura malapit sa Blumentritt Road sa tabi ng kanilang gusali ay unti-unti nang lumiit ang kanilang daan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Fire District, sa ground floor nagsimula ang sunog na umabot sa ikalawang alarma.
Kinukumpirma pa kung Christmas lights nga ang pinagmulan ng apoy pero electrical system daw ang titingnan nila sa imbestigasyon.
Pasado alas kuwatro nang madaling araw nang tuluyang maapula ang apoy.
Kinaumagahan, isa-isang nilabas mula sa nasunog na gusali ang mga labi ng mga biktima.
Si Rebecca Lopez na kapatid ng nasawi na si Ricardo Lopez, humagulgol nang makumpirma niya ang bangkay ng kapatid niya at ang mag-ina nito.
Kuwento ni Rebecca, “Patong patong po sila doong tatlo, napailalim po yung hipag ko, tapos yung kapatid ko, tapos yung pamangkin ko, mga nagbagsak po sila sa hagdanan siguro sa gusto nilang makalabas po inabot po sila sa may hagdanan.”
Nagdiwang pa raw sila ng kaarawan nilang magkapatid noong nakaraang Linggo kasama ang mag-ina nito kaya’t di raw niya sukat akalain na iyon na pala ang huli nilang pagkikita.
Ayon naman sa anak ng nasawing may-ari ng gusali, “Umakyat sila sa 4th floor eh, siguro naghahanap sila ng puwedeng madaanan kasi may tagusan papunta sa tiyahin ko sa kabila eh kaso nga lang siguro nataranta na rin sila kaya doon na sila inabutan sa 4th floor.”
Labing tatlong pamilya naman ang nakaligtas sa sunog at pansamantalang pinatuloy sa Laong Laan Elementary School.
Ayon sa nasunugan na si Rosana Felipe, “Nakakadurog ng puso akala ko hindi mangyayari sa amin ‘to, lalo na ganito magpapasko pa, parang natutulala talaga ako sobra.”
Inabutan naman sila ng tulong pinansiyal at pagkain ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Paalala ng mga otoridad sa publiko lalo na sa paggamit ng dekuryenteng Christmas decoration, tiyaking accredited ng DTI ang bibilhing Christmas lights.
Iwasan din daw na magdamag na nakabukas ito. — VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment