
Nasawi ang isang 75-anyos na lalaki matapos siyang mabundol ng isang motorsiklo habang tumatawid ng kalsada sa Santa Barbara, Pangasinan.
Sa ulat ng Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing gabi noong Lunes nang mangyari ang insidente sa Barangay Maningding.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na pupunta sa tindahan ang biktima at tumawid kaya nahagip ng motorsiklo na mabilis ang takbo.
Isinugod sa pagamutan ang biktima pero pumanaw din dahil sa matinding pinsala na tinamo sa ulo.
“Kompleto naman sa papeles yung nakabangga, may helmet din at vest… talagang hindi niya rin napansin yung tumatawid na biktima,” ayon kay Police Leiutenant Colonel Michael Datuin, hepe ng Santa Barbara Police Station.
Tanggap naman ng maybahay ng biktima na aksidente ang nangyari sa kaniyang mister.
“Bibilli ata siya ng sigarilyo sa tawid… nung tumatawid siya, hindi siya napansin nung nakamotor kasi mabilis din ang takbo… Ganun talaga, wala namang may gusto nung aksidente,” ayon kay Susan, asawa mg biktima.
Hindi na kakasuhan ang rider matapos pumayag makipagkasundo ang pamilya ng biktima.
Dahil sa nangyari, nagpaalala ang pulisya sa mga nagmamaneho na laging mag-ingat lalo na sa gabi para maiwasan ang mga katulad na sakuna.--FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment