Isa, labing-dalawa, labing-tatlo? Ilang piraso o klase nga ba ng prutas ang dapat ihanda sa lamesa sa pagsalubong sa bagong taon upang suwertihin umano? Alamin ang payo ng isang feng shui expert.
Sa programang “Unang Hirit,” sinabi ng feng shui expert na si Master Ang, na mahalaga na magsama ng mga prutas na inihahanda sa lamesa tuwing magpapalit ang taon upang suwertihin.
“Ang prutas kasi ang kumokompleto sa pagkain. Kaya importante talaga na mayroon tayong inilalapag sa lamesa kapag tayo ay magse-celebrate ng bagong taon,” ayon kay Master Ang.
Ipinaliwanag din niya na batay sa feng shui, hindi naman kailangan na tanging mga bilog na prutas lang talaga ang dapat inihahanda sa lamesa.
Wala rin umanong partikular na bilang o kung ilan ang prutas na dapat ilagay sa lamesa. Ngunit hindi raw dapat mawala ang pinya o pineapple na itinuturing umanong “hari ng mga prutas” pagdating sa suwerte.
“Sa Chinese, sa feng shui, ang pineapple nagdadala ng abundance, wealth, suwerte,” saad ni Master Ang, na mas maganda umano kung mas maraming “mata” ang pinya at ang tangkay nito ay mistulang korona.
“Kung minsan nga kahit dalawang klase lang ][ng prutas] as long as may inilagay kayong prutas sa ibabaw ng lamesa ok po ‘yan. Magdadala po ‘yan ng suwerte,” dagdag niya.
Kung maliit lang budget para sa bibilhing prutas at tatlong klase o uri lang ng prutas ang kayang bilhin, ipinayo ni Master Ang na hindi dapat mawala ang “hari ng prutas” na pinya, ang mansanas, at ang masuwerte rin umano na kiat-kiat.
Hindi rin daw dapat paniwalaan ang mga nagsasabing kailangang kumain ng 12 prutas o 12 piraso ng ubas sa ilalim ng lamesa sa pagpapalit ng taon.
Ayon kay Master Ang, walang ganitong turo sa feng shui, at kung tutuusin ay sa lamesa dapat ginagawa ang pagkain at hindi dapat sa ilalim nito.
Ipinayo rin ni Master Ang na dapat maging matalino ang tao sa pagsalubong sa bagong taon.
“Wala namang taong malas. Nasa tao lang talaga kung papaano sila gagawa ng suwerte,” payo pa ni Master Ang. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment