Babae, nag-agaw-buhay at nasira ang ilong matapos maimpeksyon dahil sa palpak umanong retoke

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Sa halip na tumangos ang ilong ng isang babae, nasira pa lalo ang porma nito dahil sa palpak umanong rhinoplasty procedure. Bukod sa gumastos ang babae ng nasa P4 milyon sa pagpapagamot, nalagay pa sa peligro ang kaniyang buhay.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Rosalie Igarashi, patuloy na nagpapalakas ngayon sa Tokyo, Japan, na Agosto 2023 nang magpa-rhinoplasty siya sa Pilipinas na aabot sa P100,000 ang presyo.

Noon pa man, gusto na raw talaga ni Rosalie, tubong-Cavite, na ipaayos ang kaniyang ilong na “flat.”

Gayunman, tutol daw ang kaniyang mga kaanak sa kaniyang plano. Pero nang nasa Japan na, nagpalagay si Rosalie ng nose filler.

Hindi gaya ng rhinoplasty na may kasamang operasyon, ang nose filler, may itinuturok lang na derma filler para mabago ang hugis ng ilong.

Subalit tumatagal lang ng ilang buwan ang bisa nito at kusang matutunaw kaya babalik din sa dati ang porma ng ilong.

Hanggang nang umuwi siya sa Pilipinas, may nakilala siyang duktor na nagsasagawa ng rhinoplasty procedure.

Nang maipon niya ang kailangang halaga, isinagawa ang operasyon noong Agosto 2023.

Ayon kay Rosalie, sinabihan siya ng duktor na kukuha ng cartilage o tissue sa kaniyang taenga na ilalagay sa kaniyang ilong para tumangos.

May mga iniutos din umano sa kaniya na dapat gawin na kaniya naman daw sinunod gaya ng mga lab test at fasting bago ang operasyon.

Pero ang nakatakda niyang operasyon na 12 ng tanghali, naisagawa raw ng 7 pm dahil may mga iba pang inoperahan ang duktor kaya nakakaramdam na siya ng labis na gutom.

Nang matapos ang operasyon at nagkamalay siya, sinabi ni Rosalie na masama na ang kaniyang pakiramdam.

“Nahihilo ako, saka nagsusuka ako ng dugo,” saad niya.

Ngunit sinabihan daw siya ng duktor na normal na side effects lang daw iyon ng operasyon.

Sa kabila ng kaniyang pakiusap na dalhin siya sa ospital, hindi raw siya dinala. Kaya naman nagpilit na lang si Rosalie na magpahinga sa hotel.

Pero dahil sa tumindi pa ang sama ng kaniyang pakiramdam at nahihirapan na rin siyang huminga, dinala na siya sa ospital.

Ayon umano sa mga duktor, delikado na ang kaniyang lagay dahil nalason na ng kaniyang dugo ang kaniyang katawan at naimpeksyon ang kaniyang organs.

Ipinasok siya sa ICU at isinailalim sa dialysis para linisin ang kaniyang dugo. Subalit bumagsak pa rin ang kaniyang katawan at kinailangan siyang i-revive.

Ayon kay Rosalie, 16 na minuto umano siyang nawalan ng buhay.

Nang ipaalis niya ang bagay na inilagay sa kaniyang ilong, natuklasan ni Rosalie na hindi cartilate kung hindi silicone implant ang inilagay umano sa kaniya.

Isang taon matapos ang pangyayari, umabot umano sa P4 milyon ang gastos niya sa pagpapagamot.

Nanatili pa rin daw maselan ang kaniyang kalagayan at humina ang kaniyang resistensiya.

Nabawasan din ang kompiyansa niya sa sarili dahil sa nasira niyang ilong, at hindi pa rin siya makapagtrabaho sa Japan, kasama ang mga anak mula sa dating asawa na Hapon.

Ano nga ba ang nangyari sa operasyon ni Rosalie at maaari pa kaya niyang papanagutin ang duktor na gumawa sa kaniyang ilong? Panoorin sa video ang buong kuwento at ang panig ng duktor na nasa likod ng naturang palpak umanong rhinoplasty procedure. — FRJ, GMA Integrated News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*