Nalagay sa peligro ang buhay ng isang piloto at lima niyang pasahero nang bumangga at lumusot ang isang vulture sa windshield ng eroplano habang nasa ere sa Brazil. Ang ibon, patay na lumaylay sa harapan ng piloto na habang naghahanap ng malalapagan.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, lumitaw na bumibiyahe ang single engine na eroplano mula sa Envira patungo sanang Amazonas.
Pero habang nasa ere, bumangga sa windshield ng eroplano ang vulture at namatay habang nakalusot sa nabasag na windshield.
Sa kabila ng pagkagulat sa nangyaring insidente, nanatiling kalmado ang piloto habang nakalaylay sa kaniyang harapan ang ibon at pumapatak ang dugo.
Nakalapag naman kinalaunan ang eroplano sa Eirunepe airport, at dito nakita ang matinding pinsala na tinamo ng eroplano.
“It was a close call. This is the fault of the landfill next to the airport which attracts an absurb amount of vultures to the area,” ayon sa piloto.
Saad naman ng isang pasahero ng eroplano, “We thought we wouldn’t get out alive. It’s a miracle the pilot managed to land with that right in his face.”
Ayon sa local reports, matagal nang inirereklamo ng mga piloto ang ginawang tambakan ng basura na malapit sa paliparan na nakakatawag ng pansin sa mga vulture na mahilig sa mga basura.
Dahil sa pagdami ng mga ibon malapit sa lugar, nagiging pahirapan umano paglipad at pag-landing ng mga eroplano.
Noong nakaraang Mayo, isang piloto ang nasawi nang bumagsak ang kaniyang eroplano malapit sa Alcazar de San Juan, Spain makaraang makabanggaan din sa ere ang isang vulture.–FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment