CAMARINES NORTE – Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kanyang asawa nang matabunan ng lupa ang kanilang bahay nitong Linggo dahil sa landslide sa Labo, Camarines Norte.
Agad na nadala ng mga rescuer sa ospital ang mag-asawa ngunit idineklarang dead on arrival ang lalaki na kinilala bilang alyas Eli, 52-anyos, ayon sa Camarines Norte Police Provincial Office.
Patuloy namang ginagamot ang kanyang asawang kinilalang si alyas May, 49-anyos.
Ang landslide na nangyari sa Purok 1, Barangay Anameam dakong 8:30 p.m. ay epekto ng malalakas na ulang dulot ng shear line.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakarinig ang isang residente ng malakas na ingay mula sa bahay ng mga biktima.
Nang siya ay nagsiyasat, natuklasan ng residente na gumuho ang lupa sa gilid ng bahay ng mga biktima. Humingi siya ng tulong mula sa mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya ng Labo Municipal Police Station upang matukoy ang iba pang detalye.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga residente na nakatira sa mga landslide-prone areas na maging alerto at maagap lalo na kapag masama ang panahon.
Maharlika Highway
Samantala, isang landslide din ang naganap sa Maharlika Highway nitong Linggo ng gabi sa bayan ng Labo.
Na-stranded ang maraming motorista na pauwi sana ng Daet, Camarines Norte o papunta sa Metro Manila.
Nagsagawa ng clearing operations ang mga awtoridad at naging passable na ang isang linya ng kalsada. Patuloy ang clearing operations para tuluyan nang maging passable ang kalye.
Camarines Sur
Samantala, sa Cabusao, Camarines Sur, tinangay umano ng agos ng ilog ang dalawang senior citizen na sakay ng e-bike, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng nasabing bayan.
Tinangka umano raw nilang tawirin ang spillway sa Barangay Biong.
Nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad para masagip sila.
Tanging e-bike pa lang ang nakuha ng mga rescuer. —KG, GMA Integrated News
Be the first to comment