Inaresto ng pulisya ang isang 36-anyos na lalaki na suspek sa pamamaril at pagpatay sa Parola Compound noong Hunyo.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, nahuli si alyas Tyson sa harap ng isang tindahan sa Barangay 103, Tondo, Maynila halos anim na buwan matapos niya umanong barilin at patayin ang isang lalaki sa Parola Compound.
“Without apparent reason, binaril nitong suspek natin ‘yung victim na ikinamatay niya. Talagang sinadya ‘yung biktima natin sa loob ng Parola Compound. May kasama pa siyang isang kaibigan niya. Nung pinuntahan siya, kakilala naman talaga. Siya ‘yung target so magkakilala sila,” ayon kay Police Major Dave Garcia, Warrant and Subpoena Section chief ng Manila Police District.
Si alyas Tyson pa lang ang naaresto dahil wala pang inilalabas na warrant of arrest laban sa iba niyang kasama.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen.
“First time siyang nagkaroon ng kaso pero may mga information kami na nakuha na ito ay medyo sakit din ng ulo sa kanilang lugar,”dagdag ni Garcia.
Itinanggi ng suspek ang krimen.
“Napadaan lang din po ako. Wala po akong pagsisisihan kasi wala naman po akong kasalanan,” anang suspek.
Idinagdag niyang nakarinig daw siya noon ang ilang putok ng baril na ikinagulat niya kaya lumayo siya.
Non-bailable ang reklamong murder na kinahaharap ng suspek.—AOL, GMA Integrated News
Be the first to comment