Napawi na ang 33 taong pagkauhaw sa kampeonato ng Mapua University matapos nilang talunin sa finals ng NCAA nitong Sabado ang koponan ng De La Salle-College of Saint Benilde.
Sa game 2 ng kanilang salpukan sa Smart Araneta Coliseum, isinelyo ng Cardinals ang kampeonato sa centennial season ng kanilang best-of-three finals series kontra sa Blazers sa iskor na 94-82.
Simula ng ikalawang round, hindi matinag ang Mapúa at nagpatuloy sa pagkapanalo patungo sa titulo sa kanilang 12 na sunod-sunod na tagumpay, at pinataob ang Benilde sa tatlo sa apat nilang paghaharap ngayong season.
Sa ilalim ng gabay ni coach Randy Alcantara, na manlalaro noong nagwagi ang Mapúa ng back-to-back championships noong 1990 at 1991, hindi nagpasindak ang Cardinals kahit kumamada ng 7-0 ang Blazers sa dalawang minuto ng laro.
Ngunit sa huling dalawang minuto ng unang quarter, nagtabla ang laro sa 21 sa layup at dalawang free throws ni JC Recto. Ito ang tanging pagkakataon na naging tabla ang laro dahil muling nakuha ng Mapúa ang kalamangan sa pamamagitan ng buzzer-beating long shot ni Lawrence Mangubat.
Simula noon, isinara na ng Blazers ang pinto sa Cardinals tuwing kakatok ang tropa ng Benilde para agawin ang kalamangan.
Sa huling 4:15 ng ikaapat na quarter, nagdagdag ng tatlong puntos mula sa bench si Rookie MVP Clint Escamis Escamis, na nagbigay sa Mapúa ng pinakamalaking kalamangan na 82-66.
Tumirada si Cyrus Cuenco ng 19 puntos para pangunahan ang Mapua, na may kasamang tatlong three-pointers, dalawang rebounds, apat na assists, at isang steal.
Nagpasabog naman si Escamis ng 18 puntos, isang rebound, apat na assists, at isang steal, at itinanghal na Finals MVP
Nag-ambag din ang rookie na si Mangubat ng 17 puntos, apat na rebounds, at tatlong assists. Habang 15 puntos at walong rebounds naman ang ibinigay ni Chris Hubilla.
Ang bagong koronang MVP na si Allen Liwag, pumoste naman ng 14 puntos at 10 rebounds para sa tropang Intramuros.
Samantala, sa pangalawang pagkakataon sa tatlong season, muling naging runner-up ang Blazers ni coach Charles Tiu.
Pinangunahan ni Justine Sanchez ang Blazers sa pagtala ng game-high na 24 puntos, siyam na rebounds, five assists, at tatlong steals.
Samantalang humugot si Tont Ynot ng 17 puntos, limang rebounds, tatlong assists, at isang steal para sa tropang Taft Avenue.
Iskor:
Mapua 94 – Cuenco 19, Escamis 18, Mangubat 17, Hubilla 15, Recto 9, Igliane 8, Bancale 6, Garcia 2, Concepcion 0, Fermin 0.
Benilde 82 – Sanchez 24, Ynot 17, Liwag 14, Sangco 7, Oli 7, Torres 5, Ancheta 4, Ondoa 2, Eusebio 2, Cometa 0, Cajucom 0.
Quarters: 24-23, 45-37, 66-56, 94-82.
<gallery id=”gallery_5403″></gallery>
— mula sa ulat ni Nikole Javier/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment