Madadagdagan ang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila at Northern Mindanao sa susunod na buwan ng Enero, 2025 matapos aprubahan ng regional wage boards ang kanilang umento, ayon sa Department of Labor and Employment.
Inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang Wage Order No. NCR-DW-05 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) National Capital Region, para sa dagdag na P500 sa buwanang sahod ng mga kasambahay sa rehiyon.
“This will bring the sector’s monthly minimum wage to P7,000,” ayon sa DOLE.
Inaprubahan din ng NWPC ang wage order na inilabas ng RTWPB Region X, para sa dagdag na P1,000 sa sahod ng mga kasambahay sa naturang rehiyon para maging P6,000 na kada buwan.
Kasamang inaprubahan ng RTWPB ang P23 hike para sa minimum wage ng mga non-agriculture sector, at P35 para sa agriculture sector, na ipatutupad sa dalawang bigayan.
Kapag naipatupad na, magiging P446 hanggang P461 ang minimum wage rates kada araw sa Northern Mindanao.
Nitong nakaraang Mayo, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na magsasagawa ang ilang regional wage boards ng pagrepaso sa minimum wage rates sa bawat rehiyon bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, sinabi ng DOLE na ipinagpaliban ng RTWPB V ang pagsusuri sa minimum wage sa Bicol Region dahil sa epekto ng bagyong Kristine. Posible umanong ipagpapatuloy ang pagsusuri sa Pebrero 2025.
Nagsasagawa naman ng konsultasyon sa mga stakeholders ang RTWPB XI sa Enero 2025 upang suriin ang minimum wage ng mga manggagawa sa naturang rehiyon.— mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment