Mga pamputol ng buto at gamit para gamutin ng mga mabibiktima ng paputok, inihanda na ng JRRMMC

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Nakahanda na ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center sa Maynila para tumanggap ng mga pasyenteng magiging biktima ng paputok.

Bilang paalala na rin sa publiko laban sa paggamit ng mga paputol sa darating na pagsalubong sa bagong taon, ipinakita ng JRRMMC ang mga gamit nila para gamutin at operahan ang mga masusugatan at maging ang mga mapuputulan ng bahagi ng katawan dahil sa mga paputok.

Kabilang na rito ang bone saw, o ang panglagari sa buto, pamputol sa daliri, at hand retractor sets na para mas madaling maoperahan ang kamay ng pasyente.

Naglaan na rin sila ng fireworks related injury area kung saan gagawin ang assessment, initial treatment sa pasyente, kasama na ang pagtuturok sa kanila ng anti- tetanus at antibiotics.

Nagreserba na rin ang ospital ng mga kama sa mga wards para sa mga pasyente,  at nakahanda na rin ang kanilang operating rooms para sa mga mas malalang pinsalang matatamo ng pasyente.

Mula December 21 hanggang nitong hapon ng Huwebes, nakapagtala na ang JRRMMC ng siyam na fireworks related injuries.

Tatlo sa mga ito ang mismong nagpaputok, at anim naman naputukan mula sa mga paputok na iba ang nagsindi.

Isa sa mga pasyente ang naputulan ng daliri, habang ang isa naman ay bahagya namang nabawasan ng parte ng daliri.

Paalala ng doktor kapag naputukan, hugasan ng running water ang nasugatang bahagi ng katawan.

“Running water muna, lagyan ng malinis na tela o gasa at dalhin niyo po agad sa ospital,” payo ng chief resident ng JRRMC Department of Orthopedic na si Dr. Jose Bundoc.

Kapag nakalunok naman ng watusi o, iba pang nakalalasong paputok, ipinayo ng doktor na uminom ng egg whites at dalhin kaagad sa ospital ang pasyente.

“Ngayon pong bagong taon kung maaari po ay iwasan po nating magpaputok. Ang paputok ay panandaliang kasiyahan pero ang mawalan ng daliri ay panghabambuhay po ‘yon,” paalala pa ni Dr. Bundoc.

Mas makabubuti umano na gumamit na lang ng ibang pampaingay tulad ng karaoke, torotot at iba pang gamit sa bahay na puwedeng makalikha ng malakas na tunog sa pagdiriwang ng bagong taon.

Sa Divisoria sa Maynila, may nagtitinda at may bumibili na ng pampaingay tulad ng torotot.

“Mas safe po kasi yung torotot. Iniiwasan po namin yung paputok kasi syempre hindi po natin alam yung aksidente sa mga bata,” ayon sa mamimili na si Juliet Custodio. — FRJ, GMA Integrated News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*