Nasa 10 menor de edad, nasangkot sa rambulan malapit sa simbahan sa Caloocan

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Nasangkot umano ang humigit kumulang 10 menor de edad sa rambulan malapit sa isang simbahan sa Caloocan nitong Miyerkules ng madaling araw. 

Ayon sa pamunuan ng Barangay 13, sumiklab ang away-kalsada sa may A. Mabini Street at kalauna’y nauwi sa pisikalan. 

“Noong Simbang Gabi, habang naka-duty kami. May dumating na isang grupo na akala namin, dahil magkakakilala nga, lumapit sila. Maya-maya, doon na nagkaroon ng kumprontahan. Biglang mabilis ang pangyayari. Nagkaroon ng biglang away kaagad, nagkasalpukan,” ani punong barangay Edgardo Reyes Jr. 

Inawat naman daw agad sila ng mga barangay tanod at pulis sa lugar. 

Dinala sila ng mga awtoridad sa himpilan ng barangay. Ang dalawa sa kanila, pinosasan na pero tila may inaaway pa rin habang naglalakad. 

Hanggang sa loob ng barangay hall, mataas pa rin ang tensyon at hindi pa rin sila maawat. 

Nakainom pa umano ang mga menor de edad na sangkot sa rambulan. 

“Galing sila sa birthday tapos nag-abot sila doon. ‘Yung isang kabataan na involved sa away, may kalmot siya rito. Parang sampalan, sagutan, sabunutan. Wala po silang mga dalang bagay na nakakapinsala or nakakamatay,” sabi ni barangay kagawad Joseph Guinto. 

May nadamay rin daw na dalawang motorsiklong nakaparada noon sa may simbahan. 

“Sa dami po ng tao, ‘yung dalawang motor na nakaparada, parang nasagi. Bumagsak ‘yung dalawa. Wala naman sira, tumumba lang,” ani Guinto. 

Pero ayon sa rumespondeng barangay tanod na si Julius Nocum, hindi doon unang nagkasagupaan ang mga kabataan. 

“Dito lang sila nagkita una sa kalsada rito. Naawat naman sila. Naghiwalay naman. Nag-abangan doon sa kalsada sa A. Mabini. Continuation na ‘yun eh. Mga nakainom kasi kaya lumaki—umabot sila sa sakitan,” ani Nocum. 

Dagdag pa niya, ang ilang menor de edad na nasangkot sa away, dayo lang sa Caloocan. 

Ang pinag-ugatan umano ng away-kalsada, tampuhan ng mga magkakabarkada. 

“Inamin naman nila na sila-sila ‘yung magkakaibigan dati na nagkaroon ng tampuhan. Lumala ‘yung tampuhan nila kaya sila nagkaroon ng away. Parang ayaw pumayag na makabati niya ‘yung dati niyang kaaway. Away-barkada lang,” sabi ni Reyes. 

Nagkaayos rin daw kalaunan ang mga kabataan bago sila pinauwi ng mga opisyal ng barangay.

—VAL, GMA Integrated News 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*