Nasabat ang nasa mahigit P60 milyong halaga ng hinihinalang shabu umano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) galing sa isang babaeng Zambian na nagpakilalang estudyante umano sa Pilipinas.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa “Unang Balita” nitong Biyernes, dinakip ang suspek nang makita ang shabu umano sa false compartment ng kaniyang bag, ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP).
“Hindi siya makikita. Designed siya para i-mislead ‘yung inspectors natin. Pero upon closer inspection, at saka sa tulong na rin ng ating mga K9, malalaman talaga na merong laman. Chineck ng ating K9, so nag-positive for drugs. So in-open ‘yung luggage in the presence ng ating Drug Interdiction Task Group natin. Nung na-find out na drugs, it was tested,” sabi ni Police Brigadier General Christopher Abrahano, Director ng PNP-AVSEGROUP.
Nagpakilala ang suspek na isang 33-anyos na Zambian, na isa umanong estudyante sa Pilipinas, ngunit unang beses pa lang natatakan ang kaniyang passport sa bansa.
“Wala naman siyang school na masabi, tapos wala siyang mga reservations o dormitories,” sabi ni Abrahano.
Isang hot flight umano ang sinakyan ng suspek mula sa Addis Ababa Airport sa Ethiopia kaya minanmanan ito ng mga awtoridad sa bansa.
Ipinaliwanag ng PNP-AFC Group na hot flight ang tawag sa mga biyaheng tinututukan sa hinalang may drogang dala mula sa bansang pinagmulan nito.
“Meron na tayong info from our foreign counterparts tapos merong prior information na usually ‘yung mga drugs ay nanggagaling sa ganitong destination, nag-initiate na tayo ng behavior surveillance,” sabi ni Abrahano.
Patuloy na inaalam kung konektado sa isang drug syndicate ang suspek, na hindi pa nagbibigay ng kaniyang pahayag. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News
Be the first to comment