Sekyu sa bus, patay matapos barilin ng pulis sa Cotabato; 2 pulis sa checkpoint, sugatan din

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Isang security guard ang nasawi matapos barilin ng isang pulis sa loob ng bus sa Makilala, North Cotabato. Dalawang pulis naman na nasa checkpoint ang nasugatan nang barilin ng “kabaro” nitong suspek.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV News, sinabing nangyari ang insidente nitong madaling araw ng Sabado sa bahagi ng Barangay Batasan sa Makilala.

Sa imbestigasyon ng pulisya, magbabayad umano ng pamasahe ang security guard na si Reynaldo Bigno, Jr., na patungo sa kaniyang trabaho sa Davao City, nang barilin siya ng pulis na nakaupo sa kaniyang likuran.

Nakatalaga ang suspek sa Police Station 7 sa General Santos City, na papunta rin sa Davao City, at kasama ang asawa nang mangyari ang insidente.

Bago ang pamamaril, nag-aaway umano ang mag-asawa sa loob ng bus.

“Based sa ating information, nagkaroon sila ng chaos sa loob ng bus kasi kasama niya yung partner niya… siguro, napuno, ‘di natin alam kung ano ‘yung nasa isip ng police officer kaya nahantong ng ganoon,” ayon kay Makilala Municipal Police Station Spokesperson, Chief Master Sergeant Ritche Gesulga.

Ayon sa isang barangay official, inakala umano ng suspek na pulis na bubunot ng baril ang guwardiya kaya niya binaril.

“Sabi kasi ng conductor, kasi yung pagkabaril sa kanya… ang scenario tiniketan sana ng conductor si Reyando Bigno, Jr., yung napatay kasi, pa-travel man siya papuntang Toril, Davao kasi mag-duty siya doon as security guard. Ang problema kasi yung that time na magbayad na sana sa ticket niya yung para sa pamasahe niya papuntang Davao, sabi kasi sa investigator, yung nakausap ang suspek, tingin daw niya doon kay Jun Bigno, akala daw niya magbunot ng baril kaya binaril niya doon sa likuran natamaan yung bandang batok niya, then nakalabas yung bala sa may noo niya banda,” ayon kay Barangay Batasan Councilman Abe Desaca.

Matapos ang pamamaril, inutusan ng pulis ang driver ng bus na ituloy ang pagmamaneho. Pero pagsapit sa border control point sa Barangay New Opon, Magsaysay, Davao del Sur, tumigil ang driver at humingi ng tulong sa mga nagbabantay na pulis.

Nagalit umano ang suspek na pulis dahil plano umano nito na sumuko pagdating sa Davao City.

Binaril ng suspek ang dalawang pulis na nasa checkpoint, at nakatalaga sa 1104th Regional Mobile Force Batallion-Davao.

Isinugod sila sa ospital, habang nagtangkang tumakas ang suspek na pulis pero naaresto rin siya ng iba pang pulis sa lugar.

“Hindi pa doon natapos… sabi daw ng suspek, ‘wag daw hihinto doon sa may bilutukan area, gusto ng suspek sa Davao na siya mag-surrender so naghanap ng timing yung driver kasi yung suspek umupo doon sa may likod kaya ini-stop nya yung bus sa may checkpoint sa Pinuscusan-Bantalan, Davao area na doon din ang dahilan kaya nadale yung dalawang pulis kasi binaril din ng pulis yung dalawang pulis,” ayon kay Desaca.

Hustisya naman ang panawagan ng asawa ng napatay na guwardiya.

Dahil sa insidente, nangako ang General Santos City Police Office (GSCPO) na paiigtingin nila ang pagsuaybay sa kanilang mga tauhan.

“‘More or less meron naman tayong random drug test, meron tayong continuing education sa kapulisan, walang humpay na pagmo-monitor sa ating police station para yung ating admin requirements ng ating kapulisan ay ma-address, at saka bantay kaisipan, lahat sila sina-subject natin sa re-nuero exam para ma-address yung problema nila kung mayroon man diyan sa trabaho ng ating PNP sa ground,” ayon kay GSCPO Director, Police Colonel Nicomedes Olaivar, Jr.– FRJ, GMA Integrated News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*