Mga suntok at tadyak ng mga galit na vendors ang inabot ng isang suspek sa pagnanakaw ng belt bag ng isang vendor sa Ylaya, Divisoria, Maynila pasado alas dyes ng umaga.
Dumugo ang ilong ng lalaki at namula rin ang mukha.
Kuwento ng biktimang si Elvira Cabrea, nag-aayos siya ng mga paninda nang makita niyang kinuha ng suspek ang belt bag sa kaniyang tindahan.
“‘Yung belt bag nandoon sa may gilid, ngayon sabi niya, bigla syang yumuko siya ng ganiyan biglang humablot, sabi ko “Ay tin! yung cellphone mo!’ sabi ko sa anak ko. ay ikaw yung mismong nakita ko, may kulay ang buhok mo wala akong ibang nakita.” ani Cabrea.
Nang magsisigaw siya na may magnanakaw, doon na raw siya tinulungan ng mga tao hanggang sa masukol ang suspek.
Agad dinala ng tumulong na vendor ang suspect sa Juan Luna Police Community Precinct.
Depensa ng suspek, “Hindi po ma’am, hinagis lang po sa akin yun ma’am…ewan ko po [kung bakit hinagis]. Nahuli po kasi siya eh nakita po eh tumatakbo, hinabol ko rin po…”
Noong una, hindi na plano ng biktima na magsampa ng kaso pero kalaunan, sabi ng MPD station 11 investigation division chief, tuloy ang pagsasampa ng reklamong robbery.
Ayon kay Police Lieutenant Meynard Vargas, “Tuloy po yung reklamo laban sa suspect…pansamantala po nandito po siya sa piitan ng manila police district station 11, ang kakaharapin niya pong kaso ay pagnanakaw or theft.”
Dinumog naman ng mga mamimili ang mga tindahan ng mga bilog na prutas sa Sta. Elena st. kaya’t sumikip lalo ang kalsada at halos hindi na umusad ang mga naglalakad pasado alas diyes ng umaga.
Ayon sa isang nagtitinda, ilang bilog na prutas na raw ang tumaas ang presyo tulad ng kiat-kiat na 950 per tray lang bago magpasko, pero simula raw kagabi 1,200 pesos per tray na ito.
Presyo ng mga bilog na prutas sa Divisoria:
- ubas (crimson) – P200/kilo
- fuji apple – P50/tumpok (4 pcs)
- kiat kiat – P50/net
- ponkan – P50/net
- peras – P50/tumpok (3pcs)
- kiwi – 3 for P100
- longan – P200/kilo
- dalandan – P50/kilo
- taiwan pomelo – P160/pcs
- pakwan – P50-P100/piraso
- melon – P35-P70/piraso
- maliit na piña – P30-P50/piraso
- chico – P200/kilo
Ang mga matatamis at malagkit na mga kakanin at tikoy mabenta na rin daw.
Presyo sa Divisoria:
- tikoy – P100-P200/box
- kalamay, sapin-sapin, biko, cassava – P25
- kutsinta – P25-P35
- suman – P35 (5 small pcs)
- puto – P25
May mga nagtitinda rin ng polka dots na damit.
May ilang stalls naman na isinasama ang mga paputok tulad ng fountain at luces sa kanilang panindang tsinelas at iba pang gamit.
Sabi ng nakausap naming tindera na tumangging humarap sa camera, ipinabenta lang daw sa kanila ito.
Ang ibang mamimili naman, torotot ang binili para ligtas sa pagsalubong sa bagong taon.
Nag-ikot naman sa kamaynilaan ang Disaster Risk Reduction Management office kasama ang mga fire trucks na nagpatunog ng kanilang sirena para magpaalala sa mga Manileño na umiwas sa paputok para iwas sunog sa darating na pagsalubong sa bagong taon. — BM, GMA Integrated News
Be the first to comment