Bumaliktad ang isang taxi matapos bumangga sa mga barrier sa northbound lane ng EDSA pagbaba ng Quezon Avenue flyover sa Quezon City bandang 4:15 a.m. ngayong Martes.
Nawasak ang harapan ng taxi, nabasag ang windshield, at kumalas ang bumper nito.
Nawala naman sa puwesto ang apat na concrete barrier at dalawang plastic barrier.
Nayupi din maging ang traffic signage sa busway.
Ayon sa mga rumespondeng traffic enforcers, dinala sa ospital ang lalaking taxi driver na iniinda ang pananakit ng kanyang dibdib.
Wala namang sakay na pasahero ang taxi nang maaksidente.
Humambalang sa busway ang taxi kaya hindi ito nadaanan ng mga carousel bus.
Matindi ang naidulot na traffic sa Quezon Avenue flyover.
Inabot nang mahigit isang oras bago natanggal ng Road Emergency Group ng MMDA ang naaksidenteng sasakyan.
Patuloy ang imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector 6. — BAP, GMA Integrated News
Be the first to comment