Sa ulat ni Oscar Oida sa “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa katirikan ng araw nitong Miyerkoles.
Isang rider ang bumili noon sa tindahan ni Genelyn Dayao. Noong paglingat niya upang kunin ang binibili, agad na lang umanong dinakma ng rider ang kaniyang bagong-bagong cellphone.
“Pagtalikod kong bigla, doon niya na dinakot ‘yung cellphone ko at tinakbo,” sabi ni Dayao.
Ngunit sa halip na masindak, agad hinabol ni Dayao ang suspek, na agad nakasakay ng motorsiklo.
“Nandu’n ‘yung [isip] ko na, ‘Huy hindi pa bayad ‘yung cellphone ko, cellphone ko ‘yun ah.’ Parang ‘yun ‘yung [nasa isip] ko, kasi parang ang daming mawawala ‘pag ‘yung cellphone e,” sabi ni Dayao.
Dahil sa pagmamadali ng suspek, bumangga ang motorsiklo nito sa isa pang motorsiklong napadaan sa lugar.
Nalaglag ang suspek at ang cellphone na tinangay nito kay Dayao, kaya agad itong nabawi ni Dayao.
“Noong patayo siya kasi palapit na ‘yung ibang mga tao, dumukot siya sa bag niya, sabi niya, ‘Babarilin ko kayo!’ tumakbo na ako papunta rito at takbuhan kami,” sabi ni Dayao.
Dito na mabilis na nakatakas ang suspek.
Napag-alaman ng GMA Integrated News na matuling tumakbo si Dayao dahil panay ang hakot niya ng medalya sa iba’t ibang marathon.
Ngunit para sa kapitan ng barangay, peligroso ang ginawa ni Dayao.
Nagpayo siyang sa mga ganitong pagkakataon, humingi na lamang ng tulong.
“Sumigaw na lang sila para maalarma ba. Na kung saka-sakali may ibang tao, puwedeng matulungan siya. Pero ‘yung hahabol ka, mahirap nga baka… ‘di ba kung may baril,” sabi ni Kapitan Benjamin Pasamonte ng Brgy. 425, Zone 43.
Nai-blotter na sa barangay at sa pulisya ang insidente at kasalukuyang pinaghahanap ang suspek.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News
Be the first to comment