Isang overseas Filipino worker ang nasawi matapos atakihin sa puso sa Saudi Arabia. Ang pamilya niya sa Pilipinas, may pakiusap sa Department of Migrant Workers (DMW) tungkol sa dokumento na kailangang isumite ng pamilya para maiuwi ang bangkay niya pero hindi nila maibigay.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing inatake sa puso ang OFW na si Ronaldo Serafica, 53-anyos, noong Oktubre sa KSA. Matapos maratay sa ospital ng dalawang buwan, pumanaw siya noong December 29.
Kaya naman nakikiusap ang ina ng OFW na si Linda, mula sa Mangaldan, Pangasinan, na matulungan sana silang maiuwi na sa bansa ang mga labi ng kaniyang anak para makita man lang kahit sa huling sandali.
“Tulungan po ninyo kami na maiuwi ang anak ko dito at makita ko ang bangkay ng anak ko,” emosyonal na pakiusap ng ina.
Bagaman halos nakompleto na ng pamilya ang mga kailangang dokumento na hinihingi ng DMW para maproseso ang pag-uwi sa labi ni Ronaldo, may isang rekisitos ang nahihirapan na magawa ng pamilya– ang authorization letter at valid ID ng misis ni Ronaldo na magpapatunay na ipinapaubaya nito sa ina ang pagkuha sa mga labi ng OFW.
Ngunit ayon kay Nanay Linda, mahigit dalawang dekada nang hiwalay ang kaniyang anak sa asawa nito.
“Nagmakaawa kami sa anak niya na sila na ang gumawa ng authorization para ipaubaya na sa akin na ako na ang magki-claim sa ama nila,” pahayag ng ginang.
“Sana tanggapin na nila [ng DMW] kasi kahit anong gawin namin sa legal na asawa tinakwil na kasi… hiwalay na sila nang 20 years,” dagdag niya.
Tinutulungan na ng Migrant Desk Office ng Mangaldan ang pamilya Serafica sa pakikipag-ugnayan sa DMW Region 1 upang mapabilis ang pagproseso sa mga dokumento.
“Ina-assist natin yung family dahil nga may mga requirement na hinihingi ng DMW para mapabilis yung pag-uwi sa remains,”ayon kay Ernie Cuison, Migrant Desk Officer ng Mangaldan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa ibibigay na tulong pinansiyal sa mga kaanak ng pumanaw na OFW.–FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment