Marami ang humanga at naantig ang damdamin nang itampok sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ang kuwento ni John Mark Valdez, na kahit 19-anyos na ay nanatiling baby face at apat na talampakan lang ang taas.
Sa likod ng masayahin niyang mukha, ang matinding kalungkutan dahil lumaki siya at ang dalawa niyang mas batang kapatid sa kalinga ng kanilang lola matapos silang iwan ng kanilang ina. Ngayon, natunton na kung nasaan ang kanilang ina na susubukan humingi sa kanila ng tawad.
Noong unang bahagi ng Disyembre nang itampok sa KMJS ang kuwento ni John Mark, na mula sa Mati sa Davao Oriental. Marami ang nagtaka dahil inakalang bata pa ang binata pero kaya nang magmaneho ng truck at iba pang sasakyan.
Ayon sa duktor, may kondisyon na dwarfism ang binata, at maaaring din umanong ikonsidera ang pagkakaroon niya ng Neotenic Complex Syndrome kaya hindi masyadong lumaki si John Mark.
Ngunit kahit maliit lang, maaga at naging malaki agad ang responsibilidad ni John Mark para kumayod. Kinailangan niyang tumulong sa kaniyang lola na nagpalaki sa kanila ng kaniyang mga mas batang mga kapatid sa ina na sina Reene Boy at Nicole.
Hindi napigilan noon ni John Mark na umiyak na parang bata nang ilabas ang kaniyang hinanakit sa mga magulang–lalo na sa kaniyang ina na basta na lang siya iniwan sa kaniyang lola at pinabayaan. Ganoon din ang ginawa ng kaniyang ina, sa dalawa pa niyang mas batang kapatid nang muli itong magkaroon ng ibang karelasyon.
Sa nakaraang episode ng “KMJS,” inihayag na sinubukan ng team nito na hanapin ang ina nina John Mark sa pamamagitan ng social media. Matapos padalhan ng mensahe ang mga kapangalan ng ina nina John Mark na si Felyn Valdez, isang babae na mula sa Laguna, ang sumagot at kinumpirma na siya ang ina mga bata.
Kuwento ni Felyn, nagtatrabaho siya noon nang makilala niya ang ama ni John Mark. Nagbunga ang kanilang relasyon pero iniwan niya ang lalaki nang malaman niya na may iba pala itong pamilya.
Ang sama ng loob niya sa lalaki, naibunton niya kay John Mark na sanggol pa lang noon, kaya iniwan niya sa kaniyang ina na si Lola Merlinda.
Muling umalis, nagtrabaho at umibig si Felyn, na nagbunga ng dalawang anak na sina Reene Boy at Nicole. Pero nauwi rin sa hiwalayan ang kanilang pagsasama at iniwan niya muli kay Lola Merlinda ang dalawa pa niyang anak na mga bata pa noon.
Matapos nito, muling umalis si Felyn at napadpad na sa Metro Manila, at pinasok ang iba’t ibang trabaho. Sa paglipas ng panahon, hindi na nakabalik pa sa Mati ang ginang at tuluyang nawalan ng komunikasyon sa kaniyang ina at mga anak.
Gayunman, sinubukan daw niyang hanapin sa Facebook ang kaniyang mga anak pero nabigo siya. Hindi naman daw niya kayang umuwi dahil sa kulang na kulang din ang kaniyang kinikita kaya hindi rin niya kayang magpadala ng pera.
Hanggang sa may makapagsabi sa kaniya ang tungkol sa kuwento ni John Mark, na hindi niya inakala na hindi lumaki ang anak dahil matangkad umano ang ama nito.
Aminado si Felyn na siya man ay nagagalit sa kaniyang sarili dahil sa ginawa niyang pagpapabaya sa kaniyang mga anak, at pagiging isang walang kuwentang ina.
Dinaig umano siya ng takot at hiya dahil wala siyang kayang ibigay sa mga anak. Subalit handa na siya ngayong harapin ang mga anak at umaasang mapapatawad siya ng mga ito.
“John Mark, Renne Boy, Nicole, sorry sa lahat kung nangyari man ito na iniwan ko kayong tatlo kay mama. Sorry kasi wala eh, naghihirap si mama,” umiiyak niyang pakiusap.
Sa isang panayam, may nararamdaman pa ring sakit sa kalooban si John Mark. Naniniwala siya na hindi rason ang kahirapan dahil marami umano ang nasa katulad nilang sitwasyon pero hindi umalis at hindi pinabayaan ang kanilang anak.
Gayunpaman, desidido na si Felyn na mabuo ang kaniyang pamilya. Kaya mula sa Laguna, lumipad siya patungong Mati at sorpresahin ang mga anak.
Mangibabaw kaya ang pangungulila nina John Mark sa kanilang ina, o hindi pa rin naaalis sa kanilang puso ang pait ng nakaraan? Tunghayan ang nakaaantig na pagkikita ng mag-iina sa buong kuwento ng “KMJS.” Panoorin ang video. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment