Mahigit isang araw na nagpalutang-lutang sa dagat na kanlungan ng mga pating sa Palau ang isang grupo ng mga diver matapos silang makalimutang sunduin ng kanilang bangka.
Sa ulat ng GMA News Integrated Newsfeed, ayon sa Palau Police, pitong turista at 2 dive guides ang kasama sa grupo.
Batay sa local reports, nagtungo ang grupo ng diver sa Palau Shark Sanctuary, ngunit sa hindi pa malamang dahilan, hindi sila nasundo dive boat.
Sa lugar kung saan sila nagpalutang-lutang ng 30 oras, may mga pating na katulad ng whitetip reef shark na bagaman hindi agresibo, maaaring umatake kapag nakaramdam ng panganib.
May mga grey reef sharks at leopard sharks din sa lugar na madalas daw na iniiwasan ng mga diver at mangingisda.
Ang mga kasama ng mga diver ang nag-alerto sa Chinese Embassy nang hindi makabalik ang grupo mula sa laot.
Kaagad namang nagpadala ng rescuers ang mga awtoridad kaya nahanap at nasagip ang grupo na mabuting hindi inatake ng mga pating.
Ayon sa mga awtoridad, maayos naman ang kalagayan ng mga diver nang matagpuan pero dinala pa rin sila sa ospital upang masuri. — FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment