Umabot sa mahigit 150 Pilipino umano ang humingi ng tulong matapos na makasama ang kani-kanilang tirahan sa mga nasunog sa wildfires sa southern California, ayon kay Consul General Adelito Angelito Cruz.
Sinabi ni Cruz na nakikipag-ugnayan ang consulate general sa Los Angeles sa Filipino Workers Center, na tumatanggap ng mga tawag para sa mga humihingi ng tulong.
“And sila po ay humihingi ng tulong para may matirhan temporarily. Ginagawan naman po namin ng paraan. Marami pong evacuation centers ang naitayo ang LA County. Sigurado naman po kami na lahat po sila ay mabibigyan ng temporary housing,” ayon kay Cruz.
Mayroon umanong pagkain, inumin, at iba pang pangangailangan ang lahat ng nasa mga evacuation center sa California.
Umabot na sa 24 ang nasawi dahil sa wildfires at nasa 100,000 tao ang pinalikas. Tinatayang nasa 12,000 estruktura ang napinsala, kabilang ang mga bahay ng mga kilalang celebrity sa Amerika.
Tumutulong sa pag-apula sa apoy sa Los Angeles ang mga bumbero mula sa pitong estado ng Amerika, pati ang mula sa Canada at Mexico.
Nauna nang nag-alok ng tulong ang konsulada ng Pilipinas doon para sa mga apektadong Pinoy, na ayon kay Cruz ay para sa mga Filipino citizens at dual citizens.
Nagpahayag din ng pakikisimpatiya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pinoy na naapektuhan ng wildfires.—FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment