Nakarinig ng mga kakaiba at misteryosong katok ang pulisya mula sa bahay ng isang lalaking apat na araw nang hindi nakikita sa Washington, U.S.A. Ano kaya ang natuklasan ng mga awtoridad?
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing hindi rin umano makausap sa telepono ang nakatirang lalaki.
Gayunman, ang kakaibang mga katok lamang mula sa loob ang tanging naririnig lang mula sa bahay ng lalaki.
Dito napagdesisyunan ng mga kaanak at kaibigan ng residenteng lalaki na magpatulong sa mga awtoridad.
Nang bisitahin, mismong ang mga tauhan ng Sheriff’s Department ang nakarinig ng mga misteryosong tunog.
Pagkaraan ng ilang minuto, napagtanto nilang Morse Code ang kinakatok mula sa bahay.
Na-crack nila ang Morse Code at doon nila natuklasan na natumaba at hindi makatayo ang lalaking nasa loob.
Matapos makumpirma ang sitwasyon, dito na puwersahang binuksan ng mga deputy officer ang bahay.
Hindi na nila ipinakita sa video ang lalaki, ngunit namataan nila itong nakahandusay sa sahig ng kanilang sala.
Hindi magawang makasigaw ng lalaki upang humingi ng tulong at apat na araw na siyang nasa sahig.
“This man told our deputies he had fallen four days prior and was waiting for someone to find him. He was lucky to have a friend that called in that welfare check,” sabi ni Deputy Carly Cappetto ng Pierce County Sheriff’s Department.
“You’ll never know when Morse Code might save your life,” dagdag ni Cappetto.
Tumugon ang mga taga-fire department at tumulong para maisugod sa ospital ang lalaki.
Hindi na inilahad ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaki, ngunit siniguro nilang nasa maayos ang kaniyang lagay. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News
Be the first to comment