Nagwakas na ang halos tatlong taong paghahanap ng isang pamilya sa isa nilang kaanak na nawala mula pa noong Marso 2022. Nakita ang bangkay ng biktima sa isang punerarya sa Caloocan.
Sa ulat ni Allan Gatus sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing kinilala ng pamilya ang bangkay ng biktima na si Noel Gonzaga, na nakita sa isang punerarya sa Barangay 187.
Ayon sa ina ng biktima, Marso 2022 nang huli niyang makitang buhay ang anak bago nawala.
Nakipag-ugnayan umano ang pamilya Gonzaga sa Quezon City Police District matapos na madawit ang pangalan ng isang suspek na nadakip kamakailan kaugnay sa ibang kaso.
Dinakip ang naturang suspek kaugnay sa pagdukot at pagbaon sa isang negosyante sa Quezon City.
Hiniling ng pamilya na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima bago nila iuwi upang mabigyan ng maayos na libing. —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment