Patay ang isang 38-anyos na lalaki matapos saksakin sa kaliwang balikat sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City pasado alas dos ng madaling araw.
Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.
Kwento ng isang residente, nakarinig na lang siya na may humihingi ng tulong na may nasaksak.
“May kumakatok sa may gate namin humihingi ng tulong sabi may sinaksak nga raw tapos yon pagbaba ko nakita ko humihinga pa yung tao pero nabulagta na nakadapa. Tumingin ako akala ko mahahabol ko pa yung taong sumaksak pero unfortunately wala ako nakitang tao,” sabi ng residenteng humiling na itago ang kanyang pagkakakilanlan.
Ayon naman sa purok leader, may residenteng nagbigay-alam sa kanya ng insidente.
“Bale may tumawag lang sa akin sa bahay na ano nga raw sinaksak kaya tumawag na rin ako ng barangay para marespondehan,” ani purok leader Sherwin Alejandro.
Sa imbestigasyon ng QCPD, lumalabas na nakaupo ang biktima sa tricycle nang lapitan ng salarin.
Nakalakad pa raw ng ilang metro ang biktima bago bumulagta.
Nakuha ng SOCO ang kutsilyo na ginamit ng salarin sa krimen na naiwan sa lugar.
Iniimbestigahan pa ang posibleng motibo sa pananaksak.
Inaalam din kung nahagip ng mga CCTV camera ang insidente para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin. —LDF, GMA Integrated News
Be the first to comment