Nasawi ang isang lalaking nakikipagkuwentuhan matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Tondo, Maynila. Ang mga kaanak ng biktima, iginiit na mistaken identity ang nangyari, ngunit umaming gumagamit siya ng ilegal na droga.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing bangkay na ng datnan ng mga kaanak ang biktima sa kahabaan ng Capulong Street, pasado 1 a.m.
“Pitong putok eh. Maya-maya may lumapit sa akin, pamilya umiiyak. Sabi, ‘Kagawad, kagawad tulungan mo naman ako.’ ‘Bakit?’ ‘Pinatay ang kapatid ko eh,'” sabi ni Kagawad Danilo Albay ng Brgy. 108, Zone 9.
Sinabi ng kapatid ng biktima na nakikipagkwentuhan sa ilang residente ang lalaki nang dumating ang riding-in-tandem.
Matapos nito, bumaba ang gunman bago inakbayan ang biktima.
“May tinanong daw po na pangalan kung siya raw po iyon. Hindi po nagsalita dahil nakita po ng kuya ko may baril daw po ‘yung lalaki. Ang ginawa ng kuya ko, umatras. Pag-atras daw po, doon po pinaputukan ang kuya ko ng baril,” sabi ng babaeng kapatid ng biktima.
Sinabi ng Manila Police District na hindi bababa sa limang basyo ng bala ang narekober sa crime scene.
Umamin ang mga kaanak ng biktima na gumagamit ng ilegal na droga ang biktima.
“Pero hindi naman po araw-araw. Pero kahit po gumagamit ‘yan, wala po siyang naagrabyadong tao. Sana po matulungan po kami na bigyan po ng hustisya ‘yung pagkamatay ng kuya ko,” sabi ng kaanak.
Isang lalaki ang nasawi nang pagbabarilin din sa bahagi ng Barangay 163 sa Tondo.
Isinalaysay ng barangay na natutulog ang biktima nang bigla siyang paulanan ng bala.
“A-uno, alas sais na umaga. Nagkabarilan, hanggang du’n lang kami. ‘Yung mga gunman, hindi namin kilala. Residente namin ‘yan. Matagal nang nawawala ‘yan dito. Bumabalik, mawawala, babalik,” sabi ni Renato Katanghal, ex-o ng Barangay 163.
Ngunit ayon sa barangay, nasapul sa CCTV ng katabing barangay ang pagdaan ng tatlong lalaki na itinuturing na mga suspek. Gayunman, hindi nakuhanan sa CCTV ang mismong krimen.
Sinabi naman ng pulisya na 11 basyo ng bala ang narekober sa crime scene.
Natuklasang dating holdaper ang biktima na kalalaya lamang sa bilangguan.
Patuloy ang imbestigasyon kaugnay sa dalawang insidente ng pamamaril. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
Be the first to comment