Lalaking sangkot umano sa pagpatay at serye ng carnapping sa Maynila, huli habang nagdodroga umano malapit sa presinto

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Timbog ang isang lalaki na sangkot umano sa insidente ng pagpatay at serye ng carnapping sa Maynila makaraan ang ilang buwan niyang pagtatago. Ang suspek, nadakip habang gumagamit pa umano ng ilegal na droga ilang metro lang ang lapit sa isang presinto sa lugar.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang pagsalakay ng mga tauhan ng Baseco Police Station sa isang bahay kung saan nagtatago ang subject ng operasyon na si alyas “Ismael.”

Kabilang sa mga na-carnap ng suspek at kaniyang kasamahan ang isang sedan at isang tuktuk na pag-aari pa ng chairman ng Baseco, ayon kay Police Lieutenant Colonel Emmanuel Gomez, Station Commander ng MPD-13.

May pinatay din umano ang suspek noong nakaraang taon, bago nagtago sa may Delpan Street at hindi agad natunton ng pulisya.

Nadakip din kasama ng suspek ang isa pang lalaki na itinuturong kasabwat niya sa paggamit ng ilegal na droga.

Dalawang revolver, ilang sachet ng shabu umano, kutsilyo at isang susi ng kotse ang nakuha sa operasyon.

Isasailalim ng pulisya sa ballistic comparison ang dalawang revolver na kanilang nakuha mula sa mga suspek para malutas ang iba pang murder case sa loob ng Baseco Compound.

Mananatili sa kustodiya ng Baseco Police Station ang akusado habang hinihintay ang commitment order ng korte.

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, paglabag sa Omnibus Election Code at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nadakip.

Wala pang pahayag sa ngayon ang mga nadakip, at patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang background ng kasamahan ng target. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*