Mga debotong hindi nakadalo sa Pahalik, sa Quiapo Church dumayo

I show You how To Make Huge Profits In A Short Time With Cryptos!

Ilang debotong hindi nakadalo sa Pahalik sa Quirino Grandstand ang dumayo sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church nitong Miyerkoles upang magsimba at ituloy ang kanilang mga panata.

Kabilang diyan sina Lorna Arcano, Evelyn, at Norie Sevilla.

Sumailalim sa operasyon noong nakaraang taon ang breast cancer patient at debotong si Lorna.

Bukod sa hiling na tuluyan nang gumaling, bitbit din niyang panalangin sa Poon na gumaling na ang kaniyang anak sa karamdaman nito.

Sabi ni Lorna, “Siya lang talaga ang pinaniniwalaan ko. Wala nang iba. ‘Tsaka lahat ng hihilingin mo talagang tutuparin niya…Pinakamagaling na dakilang manggagamot.”

Nagsimba rin ang kaniyang kapwa senior citizen na si Evelyn na kahit naka-wheelchair, tuloy pa rin ang panata sa Poon ngayong taon.

“Lagi ko talagang dinadayo si Poong Hesus Nazareno especially nu’ng namatay ‘yung asawa ko. Nu’ng nagkasakit ang asawa ko noong 2017, every Friday dumadalangin ako sa Kaniya. Ang tanging dalangin ko lang bigyan kami ng lakas ng katawan,” ani Evelyn.

Dumayo naman mula pa Calamba, Laguna ang grupo ni Norie Sevilla. Hindi na rin daw sila makakadalo sa Traslacion nitong Huwebes, Enero 9, kaya nagsimba na lang sila nitong Miyerkoles sa Quiapo Church.

“Marami kaming natutupad na mga pangarap na tinutulungan niya kami,” sabi ni Norie.

Sabi ni Fr. Robert Arellano, ang Quiapo Church spokesperson, may mga deboto raw talaga na ayaw na makipagsabayan sa dagsa ng tao tuwing ika-9 ng Enero.

Oras-oras isinagawa ang Fiesta Mass nitong Miyerkoles mula 3 p.m. hanggang 11 p.m.

“May mga deboto po tayo na hindi talaga pumupunta ng ika-9 ng Enero dahil alam nila talagang maraming tao at ayaw nilang makipagsapalaran. Kaya ahead of time, gusto na nilang magsimba. That’s the reason why as early as 3 in the afternoon, ‘yung mga Misang gaganapin ay para sa Misa na ng ika-9 ng Enero,” ani Fr. Robert.

Ang misa oras-oras ay para raw ma-accommodate ng simbahan ang milyun-milyong deboto na nais magsimba tuwing pista.

“Bakit po tayo maraming Misa at may Misa tayo oras oras? Dahil nga milyun-milyon ang ating mga kadeboto na dumaragsa sa simbahan ng Quiapo. We cannot accommodate them all at the same time dahil limited lang ang capaity ng simbahan. Kaya nagkaroon tayo ng Misa oras-oras,” dagdag ni Fr. Robert.

Traslacion

Muli namang paalala ng simbahan, bawal ang pagsampa sa andas ng Traslacion sa Huwebes.

“Ang mga Hijos po natin meron tayong Hijo sa gilid ng andas. Sila po ay nandoon upang pangalagaan unang-una ang seguridad ng ating Poong Hesus Nazareno. At sila ang hahawi kung sakali man may magtatangka na umakyat sa andas. Kaya ang mga Hijos del Nazareno natin ay nakahanda na po at sila mismo alam po nila na bawal ang pagsampa mula sa kanilang hanay at naririyan sila para tulungan tayo na maging maayos ang ating prusisyon,” ani Fr. Robert.

Simula alas dose ng tanghali nitong Miyerkoles, sumailalim na sa masusing inspeksyon ang mga papasok sa simbahan na dumaraan sa Villalobos Street entrance.

May mga X-ray at walk-through scanners sa Villalobos Street kung saan may mga nakumpiska ring mga ipinagbabawal na gamit tulad ng lighters.

May mga ilang deboto rin na sa Quiapo Church na pumila para sa Pahalik sa dalawang imahen ng Poon, tulad ng 77-year-old na deboto na si Virginia Tila.

Kuwento niya, iniligtas daw siya ng Poon noong 1966 nang habang nagsisimba sa Quiapo Church ay may biglang nahulog na malaking bato sa kaniyang harapan.

Ang bato, mula raw sa itaas ng simbahan na nire-renovate noon.  

Paalala ng simbahan, ang pakikiisa sa mga aktibidad ng kapistahan ay pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos.

Ang mahalaga aniya ay ang pagbabago na dapat mayroon ang isang tao.

“Kahit ilang prusisyon ang in-attendan mo kung wala ring pagbabago sa iyong sarili, kung ikaw pa rin ‘yung ikaw na may lumang buhay na walang pagtulong at paglingap sa kapwa, nababalewala ‘yung mga ginagawa nating ganito,” ani Fr. Robert.

“Gumagawa tayo ng mga ganitong gawain dahil naniniwala tayo na sa ating pagsasakripisyo natututo tayo na mas lalong maging banal at sa ating pagiging banal natututo tayo na mas lalong gumawa ng mabuti sa kapwa na mas higit na magmahal sa Diyos at sa ibang tao at magkaroon ng awa at malasakit sa iba,” dagdag niya.

Ang nais aniya ng Poong Hesus Nazareno ay magbalik-loob ang mga tao sa Kaniya at sundin ang kalooban ng Panginoon. —KG, GMA Integrated News

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*