Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si dating Vice President Jejomar Binay, ang anak niyang si Jejomar Erwin Binay Jr., na dating mayor ng Makati, at iba pang akusado, sa mga kasong graft at falsification kaugnay sa pagtatayo ng Makati Science High School mula 2007 hanggang 2013.
Sa 86-pahinang resolusyon na ipinasa noong Disyembre 2024, pinagbigyan ng Sandiganbayan Special Fifth Division, ang demurrer to evidence na hiniling ng mga akusado, na naging daan para ibasura na ang 13 kasong kriminal para sa graft and falsification na isinampa laban sa kanila.
“[T]he prosecution’s evidence utterly failed to prove all of the charges. The presumption of innocence in favor of an accused in a criminal case is a basic constitutional guarantee,” saad sa desisyon ng anti-graft court.
Dahil dito, inutos ng korte ang pagbabalik ng mga piyansa na kanilang inilakad. Pinawalang-bisa na rin at inalis ang mga hold departure orders na inilabas laban sa mga akusado.
Taong 2018 nang inakusahan ng Ombudsman sina Binay at ang anak niyang si Binay Jr. kaugnay sa umano’y maanomalyang proseso sa procurement process sa pagtatayo ng Makati Science Building.
Kasama sa kaso ang umano’y mga iregularidad sa pagkuha ng ng mga architectural at engineering services para sa Makati Science High School, na nagkakahalaga ng P17.4 milyon. Pati na rin ang mga iregularidad umano sa pagkuha ng construction services na nagkakahalaga ng P1.3 bilyon.
Sa desisyon, hindi binigyan ng kredibilidad ng Sandiganbayan ang mga testimonya ng mga saksi, na nagsabing wala silang personal na kaalaman sa kaso at nagkaroon lang ng espekulasyon sa mga nangyari sa procurement process.
Sinabi rin ng Sandiganbayan na hindi maaaring ikonsiderang testigo si dating Senador Antonio Trillanes IV, dahil naroroon siya bilang senador noong panahon na nagsasagawa ng mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee ukol sa naturang usapin laban sa mga akusado.
“All the purported key witnesses for the prosecution had a critical flaw: they lacked direct, first-hand knowledge of the truth regarding the charges against all of the accused and as such, their testimonies hold no probative value and deserve scant consideration from this Court,” ayon sa desisyon ng korte.
Dagdag pa ng Sandiganbayan, nabigo rin ang prosekusyon na patunayan ang, “clear, notorious, or plain inclination or predilection to support one side or person rather than another,” na magsasabing kumilos ang mga akusado na may masamang layunin o labis na kapabayaan.
“It was incumbent upon the prosecution to prove the existence of malicious intent on the part of Binay Sr. and Binay Jr. when they affixed their signatures on the BAC resolutions,” saad sa desisyon.
“The records, however, are bereft of any proof which would show that the accused knew of the alleged falsified supporting documents or sham public bidding at the time he signed the documents,” dagdag nito.— mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment