Hinihikayat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang publiko na isumite ang kanilang nominasyon para sa Dangal ng Panitikan 2025, upang mabigyan ng mataas na pagkilála ang mga indibiduwal o institusyon na nagkaroon ng kanilang ambag sa panitikang Filipino.
Mga alituntunin
1. Ang Gawad Dangal ng Panitikan ay ang mataas na pagkilála sa naiambag sa panitikang Pilipino o lifetime achievement award. Binibigyang-pagpupugay nitó ang natatanging manunulat na nagpakita ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa Filipino at ibá pang wikang panrehiyon o panlalawigan.
2. Bukás ang nominasyon sa mga institusyon at/o manunulat—laláki man o babae—na nakapag-ambag sa pagpapayaman ng panitikan ng Pilipinas. Ang mga ambag ay dapat na nagpapakita ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa wikang Filipino.
3. Pára sa mga indibidwal, kinakailangang may gulang na hindi bababâ sa apatnapung (40) taón. Pára sa mga samahán, tanggápan, ahensiyang pampamahalaán, at/o pribadong sektor, kinakailangang naestablisa nang hindi bababâ sa limang (5) taón.
4. Mayroong katipunan ng mga akdâ o gawaing nakapag-ambag sa panitikang Pilipino at mga katutubong wika ng Pilipinas (kinakailangang ilakip sa nominasyon bílang pruweba).
5. Ang mga nominado ay marapat na manggaling sa rekomendasyon ng indibidwal o pangkat mula sa labas ng KWF.
6. Pára sa nominasyon, ihanda ang limang (5) kopya ng sumusunod na kompletong dokumento:
- Pormularyo sa Nominasyon/Entri form (https://shorturl.at/mZWI5);
- Liham nominasyon na nagsasaad ng buod ng kalipikasyon ng nominadong indibidwal o samahán at nilagdaan ng nagnomina;
- Curriculum vitae (kung indibidwal) o profayl ng organisasyon (kung samahán); at
- Mga pruweba sa katipunan ng mga akdâ na nagpapakita ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa wikang Filipino.
7. Ilagay sa expandable envelope ang mga tinukoy sa bílang 6 at ipadalá sa adres na nása ibaba:
Lupon sa Gawad Dangal ng Panitikan 2025
Komisyon sa Wikang Filipino
2/P Gusaling Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel,
San Miguel, Lungsod Maynila
8. Ang hulíng araw ng pagpapása at pagtanggap ng nominasyon ay sa Pebrero 7, 2025 sa ganap na 5:00 nh.
9. Ang tatanghaling Dangal ng Panitikan 2025 ay tatanggap ng naturang gawad sa iginagayak na programa ng Gabi ng Parangal sa alinmang petsa sa Abril 2025.
10. Pára sa ibá pang detalye, tumawag o mag-text sa 0928-844-1349 o magpadalá ng email sa timpalak.gawad@kwf.gov.ph.
—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment