Inaprubahan ng bicameral conference committee nitong Martes na gawing isa na lang ulit ang plaka sa mga motorsiklo makaraang talakayin ang pag-amenda sa Motorcycle Crime Prevention Act, na kilala rin bilang Doble Plaka Law.
Sa ambush interview, sinabi ni Senador JV Ejercito, miyembro ng bicameral panel, na mas mahalaga na magkaroon ng plaka ang mga motorsiklo kahit isa lang.
“The main provision is that ‘yung doble plaka, isa na lang po. Kasi… we have about 9 million backlog [sa plaka]. Mabuti nang lahat may plaka kesa dalawa nga e hindi maibigay,” paliwanag ni Ejercito.
“I think in terms of crime prevention, all that’s more important is all motor vehicles, specifically motorcycles, will have their plate numbers,” dagdag niya.
Inalis din sa pinal na bersiyon ng panukala ang paglalagay ng Radio Frequency Identification (RFID) stickers sa mga motorsiklo.
Sinabi naman ni Sen. Francis Tolentino, nagdepensa sa Senado ng panukalang batas, sa likod lang ng motorsiklo ilalagay ang plaka.
“Wala nang plaka sa harap, sa likod na lang,” saad niya.
Sinabi rin ng senador na nangako umano ang Land Transportation Office (LTO) na tutugunan ang problema sa backlog ng mga plaka sa June 2025.
Ngunit aabot umano sa June 2026 ang mas “realistic commitment” ng LTO, sabi pa ni Tolentino.
Naging batas ang Republic Act 11235, o Doble Plaka noong 2019 na layunin din na lakihan ang plaka na ilalagay sa harap at likod ng motorsiklo upang mabilis itong matutukoy kapag ginamit sa krimen.— mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment