Kinondena ng mga animal lover at netizens ang driver ng tricycle na nahuli-cam sa viral video habang kinakaladkad ang isang pusa sa Malasiqui, Pangasinan. Ang paliwanag ng driver sa kaniyang ginawa, alamin.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, madidinig sa video na ini-upload ni Ken na nakasunod sa tricycle ang pagsigaw niya sa driver ng tricycle para sabihing nahihirapan ang pusa na nakatali sa likod at nakakaladkad na.
Sa kabila ng pagsigaw ni Ken, patuloy pa rin sa pag-arangkada ang tricycle hanggang sa unahan na niya ito para patigilin.
Ayon kay Ken, hapon nitong Sabado nangyari ang insidente. Madidinig na sinabi ng driver ng tricycle sa video na itatapon niya ang pusa.
“Nakita po namin na kinakaladkad niya yung pusa. Hindi pa rin po puwedeng gawin sa mga hayop ‘yon yung kinakaladkad lang ganun-ganun lang,” giit ni Ken.
Kinondena ng ilang animal welfare groups ang insidente.
“Napaka-cruel… purposely talaga. Apparently, very clear na ito [ang pusa] ay kaniyang tinorture o tino-torture at that time so it’s really super unacceptable. Napakasakit sa puso panoorin,” sabi ni Atty. Heidi Caguioa, program director, Animal Kingdom Foundation.
Ayon kay Anna Cabrera, executive director ng PAWS, kapag may ganitong mga insidente, makabubuting i-report na kaagad sa mga awtoridad para maaksyunan.
“Imbes na mag-post sa Facebook or social media ay gumawa na po ng affidavit ‘yung nakakuha ng video at magpasa na po either sa paws or kung sinuman ang gusto diretso sa any volunteer lawyer,” payo niya.
Hinanap naman ng pamunuan ng barangay kung saan nangyari ang insidente at natagpuan naman ang pusa na maraming sugat. Kaagad daw itong binigyan ng paunang lunas.
Mas maayos na umano ngayon ang lagay ng pusa, at ipinatawag na rin at nakausap ang driver ng tricycle na 71-anyos na.
Ayon kay Kagawad Brian Dave Austria ng Barangay Gomez, idinahilan umano ng driver na mahina na ang kaniyang pandinig.
Galing umano sa kanilang lugar ang pusa pero hindi raw niya alam kung paano ito napunta roon.
“Ngayon meron na raw nakalmot yata o nakagat di ko pa sure ha kung nakalmot o nakagat which is pinaggastusan nila. Ngayon ang balak daw niya yata i-a-ano, iwawala [ililigaw o itatapon],” dagdag ni Austria.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver, ayon sa ulat. —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment