Nagsampa si Vic Sotto ng 19 na count ng cyberlibel laban sa direktor na si Darryl Yap nitong Huwebes matapos ilabas ang isang film teaser tampok ang pumanaw na aktres na si Pepsi Paloma, na binanggit ang pangalan ni Vic.
Kinumpirma ni Atty. Enrique Dela Cruz, legal counsel ni Vic, na isinampa ang kaso laban kay Yap sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC).
Dumating ang aktor at host sa Muntinlupa Regional Trial Court kasama ang kaniyang asawang si Pauleen Luna.
Sa teaser ng “The Rapists of Pepsi Paloma,” tinanong ang aktres na gumaganap bilang si Pepsi kung ginahasa siya ni Vic Sotto.
Positibo ang naging tugon ni Pepsi.
Humingi na ang GMA News Online ng panig kay Yap ngunit hindi pa nakatatanggap ng tugon sa oras ng paglathala ng post.
Samantala, agad namang ipinag-utos ng Muntinlupa RTC na tanggalin ang trailer ng pelikula.
Nauna nang sinabi ni Yap na hindi tungkol sa TVJ ang pelikula, ang ginamit na pangalan para kina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon, kundi tungkol kay Pepsi.
Gayunpaman, hindi niya itinanggi na itatampok sa pelikula ang TVJ.
—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
Be the first to comment