Hindi maiwasan ng isang lolo na nagpapagaling sa sakit na mapaiyak, matapos siyang handugan ng nakaaantig na sorpresa ng kaniyang mga apo sa kaniyang pag-uwi sa kanilang tahanan.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakilala ang 84 taong gulang na Rodolfo Arrojo Sr, na marami nang iniindang sakit.
Isinugod siya sa ospital noong Hulyo 4 dulot ng mataas na lagnat at pagsusuka.
Matapos nito, na-diagnose siya ng pneumonia at emphysema.
Ngunit dahil sa pagiging malambing ni Lolo Rodolfo, dinamdam ng kaniyang mga apo ang halos isang linggong niyang pagkawala sa kanilang bahay.
Ang hindi alam ni Lolo Rodolfo, may inihanda pala para sa kaniya ang kaniyang mga apo nang malapit na siyang lumabas.
Pag-uwi niya sa bahay, napatalon ang kaniyang mga apo matapos siyang makita, kaya siya inabutan ng mga ito ng mga ginawa nilang paper roses at sulat.
Kaya naman hindi naiwasan ni Lolo Rodolfo na maiyak sa tuwa.
Naging speechless pa si Lolo Rodolfo.
“Wala po siyang sinabi exactly pero basta napaiyak lang po talaga siya, siguro po dahil sa tuwa. Wala pong araw na hindi namin ipinaramdam sa kaniya na hindi namin siya mahal,” sabi ni Anika Arrojo.
Bukambibig ni Lolo Rodolfo ang kaniyang mga apo kahit na nanghihina pa siya noon sa ospital.
Mismong ang mga nakababatang pinsan at kapatid ni Anika ang naghanda sa sorpresa.
Naisip lamang ni Anika na kunan ito ng video para idagdag sa kanilang sweet memories.
“Kasi po love na love po nila, siyempre po lolo namin. Gusto po naming ipakita sa kaniya na kaya niya ‘yon na may naghihintay po sa kaniya palaging umuwi,” sabi ni Anika.
Sinabi ni Anika na isang paalala ang nangyaring sa kanilang pamilya kung gaano kaimportante sa kanila si Lolo Rodolfo kahit na limitado ang kanilang oras na magkasama.
“‘Wag pong sayangin ang bawat oras kasi hindi po natin alam kung anong mangyayari bukas. Mahal na mahal po namin siya at saka hindi po kaming magsasawa na alagaan siya,” sabi ni Anika. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
Be the first to comment