Kasama sa plano ni Education Secretary Sonny Angara sa ilang pagbabago sa sistema ng edukasyon ang bigyan ng pahinga ang mga guro na obligado ngayon na magturo ng hanggang anim na oras sa isang araw.
Matapos makalusot sa Commission on Appointments (CA) ang kaniyang kompirmasyon bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkoles, sinabi ni Angara na plano niyang amyendahan ang basic education curriculum batay sa komento ng mga guro.
Kabilang umano sa mga idinadaing ng mga guro ang nakapapagod na anim na oras na direstsong pagtuturo sa klase.
Sa ngayon, inaatasan umano ang mga guro ng maximum six-hour teaching period sa isang araw. Pero may mga guro na dire-diretso ang pagtuturo ng anim na oras at walang pahinga.
May mga eskuwelahan din kasi na double shifting dahil kulang ang silid-aralan.
“Nakikita din natin ‘yung mga komento dito sa MATATAG curriculum—minsan wala daw pahinga. So, importante din na nakakapagpahinga ‘yung mga teachers at hindi dire-diretsong six hours,” sabi ni Angara.
“Siguro [maybe] we will amend the curriculum moving forward in line with the criticisms or comments of the people on the ground like the teachers,” dagdag niya.
Sa isinagawang pagdinig ng House committee on basic education and culture nitong Lunes, inihayag ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) chairperson Benjo Basas, na may “physical challenge” sa DepEd Order (DO) No. 005 series of 2024—na nagtatakda ng panuntunan sa workload ng mga guro.
Sinabi rin ni Dr. Roland dela Cruz, presidente ng National Association of Public Secondary School Heads Inc. (NAPSSHI), na sinusunod ng mga school principal ang naturang DO, at aminado siyang nahihirapan dito ang mga guro.
Sa ilalim ng DO 5 na pinirmahan noon ni dating DepEd Secretary Vice President Sara Duterte, dapat maglaan ng walong oras na trabaho ang mga public school teacher —at anim na oras dito ang ilalaan sa aktuwal na pagtuturo sa klase, ang dalawang oras para sa iba pang gawain ng mga guro sa loob o labas ng paaralan.—FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment