Ang maitaas ang ranggo ng mga estudyanteng Pinoy sa Programme for International Student Assessment (PISA) ang isa sa mga misyon ni Education Secretary Sonny Angara sa 2025. Kaya ang isa sa mga nais niyang gawin, magkaroon ng mga pasusulit ang mga estudyante na katulad sa PISA.
BASAHIN: PISA score ng mga mag-aaral na Pinoy, target ni Angara na mapataas sa 2025
Sa isang episode ng Malacañang Insider nitong Biyernes, inihayag ni Angara na hangarin niya sa mga gagawing school assessment ang mapalakas ang analytical at critical thinking mga estudyanteng Pinoy.
“I think we need to have more test exams that are PISA-like,” ani Angara na binigyan-diin ang pangangailangan na maitaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Lumabas sa resulta ng 2022 PISA na pang-anim sa pinakamababa ang Pilipinas sa 81 bansa na nahuhuli sa aspekto ng pagbasa, math, at science.
Sa larangan ng creative thinking, pangalawa sa kulelat ang mga mag-aaral na Pinoy, batay sa PISA.
Ipinaliwanag ni Angara na ang pagsusulit ay dapat makatulong para mailabas ng mga mag-aaral ang kanilang kakayahan at maipatutupad sa tunay na sitwasyon.
“It really goes to the quality of our education because the PISA exam measures very specific type of skills,” saad ng kalihim.
“They present you the situation and you must react to it and analyze it. So, hindi lang siya parang iyong normal exam na ano iyong nangyari itong date na ito o ano iyong cause nito. So they really give you a problem set. It’s a very real-world type,” dagdag pa ni Angara.
Nauna nang sinabi ni Angara na dapat matutukan ng DepEd at stakeholders ang gawain ng nasa walong milyong mag-aaral bilang paghahanda sa 2025 PISA. —mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated
Be the first to comment