Nakapagtala ng +44 net satisfaction rating si Vice President Sara Duterte sa pinakabagong survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) para sa buwan ng Hunyo 2024, o ikalawang bahagi ng taon. Mas mababa ito sa +63 rating niya noong nakaraang Marso.
Sa datos ng SWS, nakasaad na isinagawa ang survey noong June 23 hanggang July 1, 2024, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 adults (o 18-anyos pataas) sa buong bansa.
Nakasaad na 600 sa mga tinanong ang galing sa Balance Luzon (o Luzon outside Metro Manila), at tig-300 sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Sa +44 net satisfaction rating na “good” na nakuha ni Duterte, nakasaad na 65% ng mga tinanong ang nasisiyahan sa kaniyang trabaho at 21% ang hindi.
Pero mas mababa ito sa +63 na nakuha niya noong Marso, at +69 naman noong June 2024.
Lumilitaw din sa survey na bumaba si Duterte sa bawat rehiyon: +32 sa Metro Manila mula sa +49 noong Marso; +31 sa Balance Luzon mula sa dating +55; +47 sa Visayas mula sa dating +69; at +73 sa Mindanao mula sa +80 noong Marso.
Samantala, nakapagtala naman si Senate Presidente Francis Escudero para sa kaniyang unang net satisfaction rating sa SWS na +47.
Nito lang nakaraang Mayo naupong lider ng Senado si Escudero matapos palitan si Senador Juan Miguel Zubiri.
Mula naman sa +13 noong Marso, umangat sa +29 ang net satisfaction rating ni Speaker Martin Romualdez nitong June.
Tumaas din ang net satisfaction rating ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa +31 mula sa dating +13. —FRJ, GMA Integrated News.
Be the first to comment