Emosyonal ang naging tagpo nang muling makapiling ng isang ina ang kambal niyang sanggol na ipinaampon niya noong una ngunit nagbago ang kaniyang isip sa Biñan, Laguna. Ang kumadronang naningil ng P350,000, dinakip.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang pagsugod ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa isang bahay kung saan naroon ang kambal na sanggol, na inaalagaan ng isang babae.
Sinabi ng NBI na Pebrero 1, 2024 nang ipanganak ng ina, na taga-Quezon Province, ang kaniyang mga sanggol sa panganakan sa San Pedro, Laguna.
Sa simula, pumayag ang ina sa illegal adoption scheme na inalok sa kaniya ng nagpaanak na kumadrona.
“Ayaw niyang malaman ng kaniyang asawa kung ano talaga ang totoong nangyari sa kaniya, na nabuntis siya ng ibang lalaki. So na-exploit ‘yung vulnerability niya at napapayag siya sa ganitong scheme,” sabi ni Atty. Zack Balba, Executive Officer, NBI Quezon.
“Subalit sa pagkakataong nanganak na siya at naianak na niya ang kaniyang kambal na bata, nagbago ang kaniyang isip at ayaw na niyang ituloy ang pagpapaampon. Pero ayaw nang ibigay sa kaniya ng mga subject itong bata,” sabi pa ni Balba.
Nadala ang mga bata sa umampon sa kanila.
Ngunit nang babawiin na sila ng kanilang ina, dito siya sinigil ng P350,000 para maibalik ang gastos ng pagpapaanak at pag-aalaga sa mga bata.
Dito na nagsumbong ang ina sa NBI.
Ayon kay Balba, hindi nakita ng ina ang kaniyang mga anak sa loob ng higit anim na buwan.
Matapos matuklasan ng NBI ang kinaroroonan ng mga bata, isinagawa na nila ang rescue operation, sa pakikipagtulungan sa NBI District Office.
Dinakip ng NBI ang midwife na nag-alok ng ilegal adoption scheme. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News
Be the first to comment