Itinanggi ng presidente ng ruling party na Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nakapili na ng 12 kandidato nila para sa pagkasenador sa Eleksyon 2025 sa ilalim ng koalisyon na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Sa isang pahayag nitong Lunes ng gabi, ipinaliwanag ni PFP president South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr., na napag-usapan pa lang sa pagpupulong ng mga kaalyadong partido ang listahan ng mga napipisil nilang gawing kandidato sa pagka-senador bago sumapit ang September 15.
Una nang inihayag ni Speaker Martin Romualdez na nagkaroon ng pagpupulong sa Malacanang nitong Lunes ng gabi ang mga kinatawan ng mga kaalyadong partido ng administrasyong Marcos na PFP, Lakas-CMD, Nacionalista Party, National Unity Party, at Nationalist People’s Coalition.
Nitong Martes ng hapon, sinabi ni reelectionist Sen. Imee Marcos, na mayroon nang listahan ang administrasyon na isasabak sa pagkasenador sa Eleksyon 2025 na kinabibilangan niya:
Partido Federal ng Pilipinas (PFP)
Manny Pacquiao
Benhur Abalos
Francis Tolentino
LAKAS-CMD
Bong Revilla
Erwin Tulfo
Nationalist People’s Coalition (NPC)
Tito Sotto
Ping Lacson
Lito Lapid
Abby Binay
Nacionalista Party (NP)
Pia Cayetano
Imee Marcos
Camille Villar
Pero ayon kay Tamayo, walang katotohanan ang umiikot na listahan.
“Kami ay magbibigay ng anunsiyo ng senatorial line up ng administration pagkatapos itong mapagpasyahan ng lahat na kasapi ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas,” paliwanag ng gobernador.
Sinabi ng isang opisyal ng NPC sa GMA News Online na isa sa mga pangalan na nakalista sa kanilang hanay ay hindi totoo.
Inihayag naman ni Surigao Del Norte Rep. Ace Barbers, tagapagsalita ng NP, na mga kandidato nila sa senado ang tatlong nasa listahan.
Tugon naman ni Sen. Imee sa ginawang pagtanggi ni Tamayo sa kaniyang listahan, “Wala naman kasi ako dun sa meeting, pinamalita lang ng mga umattend.” —FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment