Pinagnakawan na, pinaghahampas pa ng mga baril ng limang kawatan ang mga customer ng isang kainan sa Baras, Rizal. At nang humingi sila ng saklolo sa pulisya sa lugar, hindi pa umano sila tinulungan.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ng kainan sa Marilaque Highway sa Barangay Pinugay ang mga customer na naghihintay ng kanilang mga order madaling araw ng Huwebes.
Ngunit ilang saglit lang, dumating ang limang naka-helmet, tinutukan sila ng baril at kinuha ang kanilang mga gamit.
Duguan ang ulo ng isang customer matapos siyang hampasin ng baril sa ulo nangtumanggi siyang ibigay ang kaniyang cellphone sa mga holdaper.
Pinulot ng mga suspek ang mga cellphone ng iba pang customer at kinuha pati ang kanilang mga helmet.
Ang isa pang biktima, sampal at hampas ng baril sa batok ang inabot.
Isa sa mga suspek ang pumasok sa cashier’s booth at dinampot ang cellphone ng crew, pero nabigo siyang buksan ang kaha kaya lumabas na lamang siya.
Isang babaeng customer naman ang hinablutan ng wristwatch bago tumakas ang mga holdaper.
“Paglagpas ng SM Masinag sa may stoplight, meron doong pulis na nakatambay, dalawa na nakamotor… Nagpahingi po ng tulong ‘yung kaibigan ko na naholdap kami, may tatlong motor na humahabol. Tapos sabi lang po ng pulis ‘Ay ‘yung tatlong motor na mabilis?’ ‘Opo sir.’ Hindi raw po nila sakop ‘yung area kaya hindi kami tinulungan,” sabi ng isa sa mga biktima.
Ayon sa crew ng kainan, nakaplano ang pangho-holdap.
Agad nag-ulat ang mga crew sa Baras Municipal Police, na agad nagtungo sa lugar.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa mga salarin.
Hindi muna nagpaunlak ng panayam ang mga imbestigador ng Baras Municipal Police kaugnay sa insidente.
Sinusubukang pang kunan ng pahayag ng GMA Integrated News ang Antipolo Police sa akusasyong may pulisya na hindi tumulong sa mga customer. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News
Be the first to comment