Kabilang si dating presidential spokesperson Harry Roque sa mga dumalo sa protesta ng mga tagasuporta ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Lunes. Ang sigaw nila: “Marcos, resign!.”
Sa naturang pagtitipon, makikita ang mga dumalo na may hawak na mga placard na may nakasulat na “Marcos resign” o “BBM resign,” at “justice for KOJC.”
“Naririto po kami na naninindigan na ang dapat mamuno ng Pilipinas ay dapat nasa tamang pag-iisip. Dahil kapag ikaw ay bangag, kakaladkarin mo sa giyera ang iyong bansa,” ayon kay Roque.
Nangyari ang kilos-protesta habang nagsasagawa ng operasyon ang mga pulis sa compound ng KOJC upang hanapin si Quiboloy at isilbi ang mga arrest warrant laban sa kaniya.
Nahaharap si Quiboloy sa iba’t ibang kaso gaya ng human trafficking at child abuse, na dati nang itinanggi ng lider ng KOJC.
Noong Biyernes, naglabas din ng video si Roque paglabas niya sa detention facility ng Kamara de Representes matapos siyang i-contempt ng mga kongresista at idetine ng isang araw dahil sa pagsisinungaling.
Sa naturang video, nanawagan si Roque ng “people power” gaya nang nangyari noong 1986.
Tinawag ni Roque na panggigipit ang ginawang pag-contempt sa kaniya ng mga kongresistang miyembro ng Quad Committee nang malaman na hindi totoo na may dinaluhan siyang court hearing kaya hindi dumalo sa pagdinig ng komite.
Ang mga naturang pahayag ni Roque para manawagan ng people power para mabawi umano ang “kapangyarihan,” sinisilip ng mga kongresista kung maaaring maging basehan para i-contempt muli ang spokesperson noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na tagasuporta ni Quiboloy.
Sinabi rin ni Representative Benny Abante, kasama sa Quad committee, na ibang usapan ang nagpoprotesta para ipahayag ang sama ng loob sa gobyerno, kumpara sa nanawagan na magpabagsak ng gobyerno na maituturing isang sedisyon.
Inihayag naman ni Rep. Dan Fernandez, kasama rin sa Quad Committee, na hindi niya pipigilan kung mayroong kongresista na magmosyon para talakayin ang ginawang pahayag ni Roque na itinuturing rin basehan ng contempt.
Iginiit ni Fernandez na na-contempt si Roque dahil sa kaniyang pagsisinungaling sa komite tungkol sa dahilan ng hindi niya pagsipot sa pagdinig.
Sa isang bagong pahayag, sinabi ni Roque na saklaw ng kaniyang kalayaan sa pagpapahayag ang mga sinabi niya noong Biyernes.– mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment