Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes na may pabuya ang kapulisan sa kanilang mga tauhan na na may napapatay na suspek sa anti-drug operations.
Inihayag ito ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa press briefing, bilang paglilinaw sa sinabi ni Police Colonel Jovie Espenido sa pagdinig ng komite sa Kamara de Representantes tungkol sa pabuyang pera umano sa mga pulis kapag may napatay na drug suspect sa war on drugs campaign noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
BASAHIN: Police Col. Espenido: P20k ang reward sa bawat mapapatay sa war on drugs ni Duterte
“That is his statement kaya kailangan tanungin natin siya. Probably, he has a personal knowledge doon sa sinasabi niyang reward but para sabihin na ito ay ginawa sa buong PNP, very sweeping yung kaniyang sinasabi,” ayon kay Fajardo.
“Kung mayroon siyang personal knowledge na siya ay binigyan ng reward, tinanong naman siya ang sabi niya ay wala,” dagdag niya.
Sinabi ni Fajardo na nagulat at nalungkot ang kapulisan sa naging pahayag ni Espenido. Iginiit niya na hindi kabilang ang PNP sa paglalarawan bilang organized crime group.
“Lagyan po natin ng konteksto. Ang isang organized crime group ay binuo para sa isang purpose lamang, ito ay to commit crimes. So malayong-malayo ito sa reyalidad kung bakit itinatag ang PNP,” paliwanag niya.
Naging kontrobersiyal si Espenido sa panahon ng war on drug ni Duterte dahil pinangunahan niya ang ilang malalaking operasyon laban sa mga big-time drug suspects na ang iba ay nauwi umano sa engkuwentro pagkamatay ng mga suspek. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment