Mahigit 7,000 trabaho ang inilaan ng Taiwan para sa mga Pilipino. Mismong mga employer ang magtutungo sa Pilipinas para sa gagawing job fair sa Ilocos region.
Sa ulat ni Raplh Obina sa Super Radio dzBB nitong Martes, sinabing gagawin ang job fair sa Laoag, Ilocos Norte sa September 9, at sa Vigan, Ilocos Sur sa September 11, 2024.
Ayon kay Silvestre Bello III, chairman ng Manila Economic Culture Office (MECO), kailangan ng Taiwan ng 7,000 factory workers at 300 caregivers.
Ang mga may-ari at kinatawan din umano ng mga kompanya sa Taiwan ang nagpupunta sa Pilipinas para sa naturang job fair.
Mahigit 7,000 na mga trabaho para sa mga Pilipino, alok ng mga employer mula sa Taiwan sa isasagawang mga job fair sa Laoag, Ilocos Norte sa September 9 at Vigan, Ilocos Sur sa September 11, 2024 — MECO | via @ralphobina pic.twitter.com/OIaEI06ZNy
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 3, 2024
Karamihan sa mga matatanggap na aplikante ay mapupunta sa food o information technology industry.
Napili umanong gawin ang job fair sa Ilocos region bilang paggunita sa kaarawan ng namayapang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sinabi rin sa ulat na isasabay sa naturang job fair sa Ilocos ang paghahanap ng mahigit 120 nurse na kailangan naman para sa Dubai at Germany.–FRJ, GMA Integrated News
Be the first to comment